HANGGANG SAAN ANG HANGGANAN NG KALAYAANG MAGPAHAYAG?
KSPHO ni Darwell Baldos
Paano nga ba natin masasabi na ang isang tao ay lumampas na sa kanyang karapatan sa malayang pananalita o Freedom of Speech? Kapag ba ang mga salita ay hindi na naglalayong magbigay ng kritisismo kundi manira, mang-udyok, o lumikha ng pagkakabaha-bahagi, dapat bang pigilan ito ng batas? At sino ang may awtoridad para sabihing ang isang pahayag ay “abuso” na sa halip na “opinyon” lamang?
Tulad ng mga naririnig natin sa mga balita at mga kumakalat sa Social Media na mga kilalang personalidad na nagpapahayag ng kanilang saloobin, Isipin natin at balikan ang mga pahayag ni Gadon, Cendaña at ng ilang iba pa laban sa desisyon ng Korte Suprema. Kapag sinabi nilang ang hudikatura ay “tuta,” “bias,” “walang saysay,” o “kalokohan lang” ang kanilang hatol, nasa loob pa ba ito ng proteksyon ng malayang pananalita, o isa na itong direktang atake sa integridad ng hudikatura?
Kung ang isang ordinaryong mamamayan ay maaaring parusahan dahil sa libel o inciting to sedition, bakit tila may ibang personalidad na nakakalusot sa paggamit ng mas matinding pananalita laban sa mga institusyon?
At paano kung ang Korte Suprema mismo ang kutyain ng publiko? May hangganan ba ang pagbatikos sa kanilang desisyon, o dapat bang tanggapin ng mga mahistrado ang anumang puna, kahit na ito ay puno ng panlalait at walang basehang alegasyon? Kung ang isang abogado o pulitiko ay hayagang nagsasabing ang desisyon ng Korte ay “hindi makatarungan” o “nakaugat sa korapsyon,” may legal ba itong consequences, o bahagi lamang ito ng demokratikong diskurso?
Ano ba ang sinasabi ng batas tungkol rito? Sa ilalim daw ng ating legal na sistema, ang malayang pananalita ay hindi absolute, kaya may mga limitasyon ito, tulad ng pagbabawal sa libel, obscenity, incitement to violence, at mga pahayag na nagdudulot ng malinaw at agarang panganib.
Ngunit paano ito naaangkop kapag ang pinupuna ay ang Korte Suprema mismo? Dapat bang protektahan ang institusyon mula sa mga atake na naglalayong sirain ang tiwala ng publiko dito, o dapat bang hayaan ang lahat ng uri ng puna, gaano man kasakit o walang basehan?
Kung ikaw ang Korte Suprema, paano mo haharapin ang mga taong walang habas na naninira sa iyong integridad? Dapat bang manatiling tahimik ang hudikatura sa gitna ng mga batikos, o may karapatan din itong ipagtanggol ang sarili mula sa mga alegasyong naglalayong sirain ang kredibilidad nito?
Sa huli, ang tanong natin ay kapag ba ang malayang pananalita ay ginamit na sandata para sirain ang mga institusyon at maghasik ng lagim, saan dapat natin ititigil ang linya? O baka naman, sa pagtatakda ng limitasyon, tayo mismo ang sumisira sa mismong prinsipyo ng kalayaang ating pinoprotektahan?
