KONEKTADONG PINOY BILL, PUMASA SA BICAM; MAY BANTA SA NATIONAL SECURITY!
Ulat ni Buboi Patriarca para sa RoadNews
QUEZON CITY | Pormal nang pinagtibay ng Bicameral Committee (BiCam) ang Konektadong Pinoy Bill, na naglalayong pabilisin ang koneksiyon ng telekomunikasyon sa bansa, ngunit may mga pangamba itong dala kaugnay ng national security.
Sa Huntahan Media Forum sa Aristocrat Restaurant, Quezon City Circle noong Miyerkules (Agosto 6), ipinakita ni dating Undersecretary ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa Cybersecurity na si Jeffrey Ian Dy ang kopya ng panukalang batas na pinagtibay ng BiCam noong Hulyo.
Ayon kay Dy, nasa kamay na ng Pangulo ang desisyon kung ito ay lalagdaan, veto, o lalagpas bilang batas sa loob ng 30 araw. “We’re telling him not to make a mistake on it,” giit ni Dy, na ngayon ay nagtuturo sa Asian Institute of Management (AIM).

Binigyang-diin ni Dy na maaaring makompromiso ng batas ang seguridad ng bansa, lalo na sa usapin ng pagbabahagi ng telecom infrastructure sa mga dayuhang kompanya, partikular ang isang Chinese telecom firm sa Northern Luzon na may 15,000 kilometro ng fiber network pero hindi konektado sa national backbone.
“If the President vetoes the Konektadong Pinoy Bill, he would actually allow the interconnection of the telecommunications companies,” paliwanag ni Dy. “They forgot the actual dynamics of the market, which may compromise national security.”
Ayon sa kanya, pinipilit ng batas na magbahagi ang mga telecom companies ng kanilang towers at fiber networks, ngunit hindi nito inaatake ang mga mall operators o ibang pribadong sektor. “The Bill attacks the sharing of infrastructure of telcos, but not the rental fees,” dagdag niya.
Binanggit din ni Dy na ang Seksyon 16 at 22 ng panukala ay nag-uutos ng interconnection sa mga telco, na maaaring makaapekto sa relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa. “The word ‘non-discriminatory’ was used several times, which could be problematic,” ani Dy.
Kung lalagdaan ito ni Pangulong Marcos, maaaring maghain ng petisyon sa Korte Suprema ang dating Chief Justice Artemio V. Panganiban para pasubalian ang konstitusyonalidad nito.
Nagbabala rin si Dy sa mga cyberthreats tulad ng U335, isang atake sa routers na pinaniniwalaang galing sa China. “The US bans direct telecom links to China, but we don’t have that policy,” pagtatapos niya.
