Kawalan ng parusa sa Juvenile Justice Law, fake news – Pangilinan
Ni Ernie Reyes
Itinuturing ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na pawang fake news ang paniniwala ni Senador Robin Padilla na walang parusang ipinapataw sa menor na lumabag sa batas sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Sa kanyang interpellation sa privilege speech ni Padilla, sinabi ni Pangilinan na pawang fake new at disinformation ang nangyayari na lubhang naapektuhan ang pang-uunawa ng publiko sa probisyon ng batas.
Isinusulong ni Padilla, pawang kaalyado ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tagamanupaktura ng fake news sa social media at mahilig magsinungaling sa speech, ang pagbabawas ng minimum age sa criminal liability tungo sa 10 mula sa kasalukuyang 15.
“Una sa lahat, tayo ay nakikiisa sa kanya (Padilla) sa usapin ng pangangailangan ng hustisya lalo na sa naging biktima ng krimen o kaya mga kilos ng mga kabataang nasasangkot o menor de edad na nasasangkot sa criminal activities,” ayon kay Pangilinan.
“Tama lang na dapat ang mga nagkasala ay nananagot at marahil maraming kinakailangan din na liwanagin o linawin sa usapin ng ano nga ba ang tunay na mga probinsyon o tunay na mga posibleng mga pang-implementa ng batas at ikumpra ito sa mga hindi tama o kaya disinformation,” ani pa ng senador mulang Nueva Ecija.
Inawtor ni Pangilinan ang batas noong 206 kabilang ang amendments nito noong 2013 na naglilinaw na nagpapataw ng parusa ang Juvenile Justice sa menor na Nakagawa ng krimen.

“Yung bitiw na salita nung bata dito sa video na sinasabi na ‘ginawa namin ang krimen dahil alam namin hindi kami mapaparusahan’ ay maling impormasyon,” ani Pangilinan.
Iginiit pa ni Pangilinan na nakulong ang suspek sa Maguad murder kahit menor de edad sila.
“In other words, hindi tama yung sinasabi na dahil menor de edad ay hindi pwede parusahan, dahil yung dalawang involved sa Maguad killings pinarusahan, nakakulong ngayon. Ayaw natin mangyari ang mga ‘to, “ ani ng senador.
“Dapat lang mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng karumal-dumal na krimen na galing sa menor de edad subalit hindi tama kapag sinabi na kapag menor de edad dapat pakawalan, number one, dahil kapag pinakawalan yan labag sa batas yan at dapat parusahan yung mga nagpapakawala ng mga menor de edad na nagkasala,” giit ng bagong halal na mambabatas.
Ipinaliwanag pa ni Pangilinan na sinumang menor na Nakagawa ng seryosong krimen tulad ng rape at homicide, magkakaroon ng mandatory confinement sa loob ng isang taon na maaaaring palawigin sa tatlong taon o higit pa depende sa desisyon ng Korte.
Binaggit din ng senador na mahusay na naipatupad ng Juvenile Justice Law sa Valenzuela City habang nagsisilbi si Senator Win Gatchalian bilang mayor.