UNITED FRONT SA PROTEKSIYON NG KARAGATAN NG PH, HIRIT NI LEGARDA SA LAHAT

Ni Ernie Reyes

Nanawagan si Senadora Loren Legarda ng nagkakaisang pagkilos matapos ang pakikilahok ng Pilipinas sa Third United Nations Ocean Conference (UNOC3), at hinihikayat ang isang nagkakaisang pagsisikap upang protektahan ang mga karagatan at pangalagaan ang kabuhayan ng mga Pilipino.

Sa kanyang talumpati sa DFA Ocean Talk, isang post-UNOC3 symposium, noong Agosto 13, 2025, inilarawan ni Legarda ang karagatan bilang “the soul of our archipelago,” na sumusuporta sa kabuhayan ng 2.24 milyong Pilipino at nagbibigay ng ₱787 bilyon taun-taon sa ekonomiya.

Nagbabala ang senadora na ang mahalagang yamang ito ay nanganganib na, at kung walang agarang aksyon na gagawin, pagsapit ng 2040, ang pagtaas ng antas ng dagat ay maaaring magpalikas sa 150,000 Pilipino at magdulot ng higit ₱18 bilyong pagkalugi sa ekonomiya, habang mahigit apat na milyong metric tons ng plastic waste kada taon ang lalason sa ating tubig at pinagkukunan ng pagkain.

“Climate harm is a breach of legal duty, and protecting our oceans is central to human dignity, security, and peace,” giit ni Legarda.

Binigyang-diin din niya ang aktibong papel ng Pilipinas sa UNOC3 na ginanap noong Hunyo sa Nice, France, kabilang ang presensya ng bansa sa mga kumperensya, pamumuno bilang isa sa 13 Vice Presidents, at pakikilahok sa siyam na thematic panels.

Ayon pa sa senadora, ang matitibay na pahayag sa mga kumperensya ay dapat maisalin sa kongkretong aksyon sa mga komunidad, kung saan ang mga lokal na pamahalaan ay may kapangyarihang magpatupad ng sustenableng pangingisda, magprotekta ng mga bakawan, magpalawak ng marine protected areas, at tugunan ang mga banta gaya ng ilegal na pangingisda at maling pamamahala sa basura.

Nanawagan din ang four-term senator ng malawakang pagbabagong kultural tungo sa ocean literacy.

“The fight for our oceans demands unprecedented cooperation. Civil society must keep us accountable. The academe must guide us with sound science. The private sector must make sustainability the standard, the wisdom of our indigenous peoples and local communities must be valued. And the youth should use their creativity to change the tide,” sabi ni Legarda.

“Our most significant victories are yet to be won, if we dare to do more, together,” pagtatapos niya.