NIA Administrator Guillen Leads Site Inspection sa Hibulangan SRIP, Inaasahang Magpapalago sa Agrikultura ng Leyte

Ni Darwell Baldos

Villaba, Leyte | Pinangunahan ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Engr. Eddie G. Guillen kamakailan ang isang site visit sa Hibulangan Small Reservoir Irrigation Project (SRIP), isang P1.125-bilyong proyekto na itinatayo sa Barangay Hibulangan, Villaba, Leyte.

Ang Hibulangan SRIP, na kumukuha ng tubig mula sa Hibulangan River, ay kinabibilangan ng paggawa ng earthfill dam, mga kaugnay na istruktura, irrigation facilities, drainage systems, at service roads. Layon nitong magbigay ng patuloy at sapat na suplay ng tubig para sa 2,750 ektarya ng sakahan, na direktang makikinabang sa 1,821 magsasaka at kanilang mga pamilya.

Ayon kay Administrator Guillen, ang proyektong ito ay isang malaking hakbang para sa pag-unlad ng agrikultura sa Eastern Visayas. “Sa tuluy-tuloy na suporta ng pamahalaan, sisiguraduhin nating makakamit ng mga magsasaka dito ang mas mataas na ani at mas maayos na kabuhayan,” pahayag niya.

Inaasahang makukumpleto ang Hibulangan SRIP sa susunod na mga taon, na magdudulot ng mas maunlad at modernong irigasyon sa rehiyon. Bahagi ito ng mas malawakang programa ng NIA at ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang palakasin ang food security at suportahan ang mga lokal na magsasaka.