DICT KINALAMPAG NI AQUINO SA FREE WIFI SA K-12 PUBLIC SCHOOL
Ni Ernie Reyes
Matinding pagkalampag ang ginawa ni Senador Bam Aquino sa Department of Information and Commucations (DICT) sa buong implementasyon ng Free Internet Access in Public Places Act matapos matuklasang 12,000 public school pa ang walang internet connection.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Aquino na walong taon na ang lumipas mula nang naisabatas ang Republic Act 10929 o ang Free Internet Access in Public Places Act, ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin lubos na napakikinabangan ng mga estudyante at guro ang pangakong benepisyo ng batas.
Nagpahayag din ng pangamba si Aquino sa kawalan ng koneksyon sa mga paaralan, sa pagsasabing nasa 12,000 pampublikong paaralan sa buong bansa ang wala pang internet.
Nagbabala ang senador sa kawalan ng libreng WiFi lalo na sa malalayong lugar ay nag-aalis ng pantay na oportunidad sa pag-aaral at nagdudulot pa ng dagdag gastos sa pamilya.

“Ayon sa DepEd, 12,000 na paaralan ay wala pang connection sa internet. Sa ating komite on Science and Technology, malalaman po natin kung ano ang plano para punan ito at kung tama ang numerong ito,” ayon kay Aquino, chairperson ng Committees on Basic Education at Science and Technology.
“Para sa mga estudyanteng walang connection sa bahay, karagdagang problema at gastos pa po sa kanila at sa kanilang magulang itong pagkukulang ng internet sa kanilang eskuwelahan. Uulitin ko po: mahalaga at napakahalaga, ng internet connection sa paaralan. 2025 na po at hindi pwedeng offline ang bayan at ating kabataan,” dagdag pa niya.
Si Aquino ang nanguna sa pagpasa ng RA 10929 noong 2017 bilang principal sponsor at co-author sa panahon niya bilang chairman ng Committee on Science and Technology.
Binigyang-diin ng senador na mahalaga ang ganap na pagpapatupad ng batas para maisulong din ang kanyang panukalang E-Textbook Para Sa Lahat Act, na layong gawing digital at libre ang lahat ng aprubadong libro ng DepEd sa official platforms.
Nangako rin si Aquino na gagampanan ang oversight function bilang chairperson ng Committee on Science and Technology para matiyak ang ganap at maayos na pagpapatupad ng batas.
Ayon kay Aquino, bagama’t halos ₱18 bilyon ang inilaan ng pamahalaan para sa programa mula 2018 hanggang 2024, nasa 18,000 sites pa lamang ang na-activate — at 2,950 lamang dito ang nasa pampublikong paaralan.
“Malalaman po natin ang mga numerong ito, mahihimay po natin ito, at malalaman po natin ang proseso ng DepEd at ang DICT, pati na rin ang mga balakid sa pagpapatayo ng free WiFi sites sa mga paaralan. Ang pangunahing tanong: Kailan po natin makukumpleto ang pag-connect sa public schools natin sa internet?” diin ni Aquino.
Binanggit din ng senador na makatutulong ang ganap na pagpapatupad ng Free WiFi Law upang mabawasan ang bigat ng gastos sa internet ng maraming Pilipino.
Aniya, umaabot sa ₱1,069 kada buwan ang ginagastos ng bawat pamilya para sa internet, isa sa pinakamataas sa ASEAN pagdating sa affordability.
“Sa kasalukuyan, around 20 million Filipinos still cannot afford regular internet access. At marami sa ating kababayan ay nakaka-connect sa internet gamit ang Piso WiFi. Pero tulad ng ibang mga tingi-tinging bilihin, mas malaki ang gastos po sa dulo,” aniya.
Ipinangako rin ni Aquino na sisilipin ang hindi tugmang target ng DICT para sa WiFi access points, at lilinawin ang kaibahan ng “sites” at “access,” pati na rin ang mga usapin sa bilis, reliability, at maintenance ng mga itinayong free WiFi sites.
