TINDIG NI PBBM NAGPATIBAY SA SENATE PROBE VS FLOOD CONTROL SCAM – HONTIVEROS

Ni Ernie Reyes

Tumibay ang posisyon ng Senado sa pagtiyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mananagot kahit kaalyado sa imbestigasyon sa flood control scam sa isinusulong ng senado na papanagutin ang sinuman, ayon kay Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros kamakailan.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na pinatibay ng pahayag ng chief executive ang panawagan na papanagutin ang sinumang opisyal na sangkot sa multi-bilhyong-peso scam at i-black list ang kontraktor na sangkot sa maanomalyang proyekto.

Idinagdag pa niya na dapat papanagutin din kung sinumang opisyal na magiging hadlang sa imbestigasyon.

“Ngayon, si Presidente mismo ang nagsabi na kahit kaalyado niya ay di niya tatantanan. Simple lang dapat: Kapag sangkot ka sa flood control scam, mananagot ka,” ayon kay Hontiveros sa statement.

Nanawagan din si Hontiveros na magkakaugnay na imbestigasyon ng   Commission on Audit, Office of the Ombudsman at Department of Justice upang masundan ang money trail at kilalanin kung sinuman ang nasa likod ng maanomalyang proyekto.

Ikinatuwa din ng senadora ang suporta ng local officials na nagsasalita laban sa iregularidad at nangakong isusulong ang pananggalang sa 2026 national budget upang hadlang ang katulad na scam.