67 Kilo ng Shabu, Nasamsam sa Zamboanga; 2 Suspek Kalaboso
Ni Tito Lucas
ZAMBOANGA CITY | Nasamsam ng mga awtoridad ang nakagigitlang 67 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng higit P445 milyon sa isang matagumpay na interdiction operation sa Barangay Bunguiao, Syudad ng Zamboanga.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 9 (PRO-9), nangyari ang operasyon sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) 9, Zamboanga City Police Office (ZCPO), at iba pang law enforcement units.

Kalaboso sa operasyon ang isang High Value Individual (HVI) na kinilala lamang bilang si alias “Mohamad,” isang residente ng Divisoria, ng nasabing syudad. Kasama rin niya ang isang suspek na kinilala bilang alias “Airene,” na tubong Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Ayon kay PRO-9 Regional Director, Police Brigadier General Eleazar Matta, malaking posibilidad na ang napakalaking bulto ng ilegal na droga ay hindi lamang para ikalakal sa Rehiyon 9 kundi pati na rin sa mga karatig na rehiyon.
“Ito ang pinakamalaking interdiction operation na naitala ng kapulisan sa rehiyon,” pahayag ni Matta, na nagpapakita ng malaking dagok sa mga illegal na gawain ng drug syndicate sa lugar.
Agad na isinumite sa Regional Forensic Unit 9 ang lahat ng nakumpiskang ebidensya para sa kinakailangang kemikal at pagsusuri habang ang dalawang suspek ay kasalukuyang nakakulong sa bilangguan ng ZCPO.
Hinatulan ni Matta ang operasyon bilang isang malinaw na patunay ng mas pinaigting at aktibong pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang sugpuin ang problema sa ilegal na droga sa Mindanao.