BACKER NA PULITIKO, OPISYAL SA MAANOMALYANG FLOOD CONTROL PROJECTS, PINALALANTAD SA DPWH

Ni Ernie Reyes

Iginiit ni Senador Win Gatchalian na dapat pangalanan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang sinumang pulitiko o opisyal ng ahensya ang backer ng lahat ng maanomalyang flood control projects sa buong bansa.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee, pinuna ni Gatchalian ang paggawad ng malalaking flood-control projects sa mga kontraktor na walang sapat na kapital.

Kaya, hinimok niya ang DPWH na pangalanan ang mga miyembro ng bids and awards committee na nag-apruba sa kontrata kabilang ang sangkot na pulitiko o opisyal ng gobyerno.

“Sinu-sino ang mga nasa likod nito? Kailangan nating malaman lalo na’t may pananagutan sila sa taumbayan,” sambit ni Gatchalian sa nagdaang Senate inquiry.

Dismayado ang chairman ng Senate Finance Committee sa nangyayaring anomalya sa DPWH partikular ang pagtatayo ng flood control projects na pinopondohan nang bilyong piso kada araw ngunit lumulubog sa baha ang bansa.

Aniya, kung kulang sa kapital ang isang kontratista, tiyak na magtitipid ito sa gastos, na nagreresulta sa mababang kalidad ng proyekto.

“Nilalaro talaga ng ibang tao ang pre-qualification stage ng procurement. May nangyayaring sabwatan o korapsyon sa paggawad ng kontrata sa mga kontraktor na walang sapat na kapital. Paano nangyari na ang isang kontraktor na walang sapat na pondo ay nakakuha ng malaking kontrata?” tanong ni Gatchalian kay DPWH Secretary Manuel Bonoan.

Binigay halimbawa ni Gatchalian ang kaso isang kontraktor na mayroon lamang ₱1.2 milyong kapital pero binigyan pa rin ng ₱1.5 bilyong proyekto.

Hinimok din ni Gatchalian ang DPWH na ipaliwanag kung paano nito tinutukoy ang kinakailangang minimum na kapital para maging kwalipikado ang mga kontraktor sa ilang partikular na proyekto.

“Sino ang sumusuri sa kakayahan at kapital ng mga kumpanyang ito?” tanong niya.