DPWH Execs, Kinastigo ng Senado sa Kawalan ng Aksyon vs ‘Ghost Flood-Control Projects’

Ni Ernie Reyes

Matinding kinastigo ni  Senator Alan Peter Cayetano nitong Martes ang Department of Public Works and Highways (DPWH) officials kung bakit walang preventively suspended na tauhan sa kabila ng alegasyon ng “ghost” flood-control projects. 

Giit ni Cayetano sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee, sapat na ang simpleng paper trail upang matukoy kung sino ang dapat managot.

“Bakit mukhang exempted ang DPWH sa preventive suspension?” puna ng senior vice chair ng komite, na tila pag-uulit aniya ng kawalan ng aksyon ng ahensya matapos bumagsak noon ang tulay sa Isabela. 

“Kung merong nagtatakip sa ghost projects pero hindi siya preventively suspended, then he/she will have time to cover up their tracks,” dagdag niya.

Punto ni Cayetano, may patakaran ang DPWH na dapat magsumite ng dokumentasyon at larawan ang contractor sa bawat yugto ng konstruksyon ng anumang proyekto.

“All you have to do is tell them (contractors), ‘Nasaan y’ung report? At kunan niyo ng picture [ang project],’” aniya.

“May paper trail at may technology to deal with that. So kung tinanggal y’ung requirement na ‘yon, alam na nating may binabalak [na hindi maganda],” aniya kay DPWH Secretary Manuel Bonoan na dumalo sa pagdinig.

Dahil may quality assurance unit aniya sa bawat district at regional office ng DPWH, ibig sabihin, hanggang sa opisina ng Undersecretary ay nakakaabot ang completion reports.

Para matukoy ang lahat ng may kinalaman sa ghost projects, hinimok niya ang DPWH na linawin kung hanggang saan sa chain of command ang pisikal na nagve-verify ng completion reports.

“If the district engineer or the regional office reports that it’s finished, ‘pag nag-report siya sa Assistant Secretary, titingnan ba ng ASec y’un?” tanong ni Cayetano. 

“Y’un y’ung gusto naming ma-clarify para alam namin sino ipatatawag namin,” aniya. Diin pa niya, tatlong linggo na mula nang ibunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ghost projects sa kanyang State of the Nation Address, kaya hindi na pwedeng magpatumpik-tumpik pa ang DPWH.