KUMPIRMADO NG DPWH: Php 5.9 BILYONG ‘GHOST PROJECTS’ SA BULACAN, INIIMBESTIGAHAN NA!
Ni Darwell Baldos
Sa isang pagdinig na nagpaalingasngas sa galit ng mga senador, kinumpirma ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umabot sa ₱5.9 bilyon ang halaga ng mga pekeng proyekto o “ghost projects” na ipinagkatiwala sa isang kontratista sa Bulacan.
Sa harap ng Senate Blue Ribbon Committee, inamin ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na naniniwala siyang may mga flood control project na hindi talaga natupad sa kabila ng inilabas na pondo. “We are now investigating and validating these reports,” giit ng kalihim, na nangakong maglalabas ng financial at physical report sa loob ng isang linggo.

Ang kontratistang pinag-uusapan ay ang Wawao Builders, Inc., na nakalista bilang isa sa 15 pinakamalaking contractor ng flood control projects sa buong bansa. Natukoy na ang 85 proyekto nito, na nagkakahalaga ng ₱5.9 bilyon, ay nakatuon sa Unang Engineering District ng Bulacan, partikular sa mga bayan ng Malolos, Calumpit, at Hagonoy, mga lugar na palaging binabaha.
Ngunit sa halip na mapigilan ang baha, ang pera ng bayan ang parang napunta sa “wawa” o balon ng katiwalian.
Hindi nakatakas ang DPWH sa matinding pangungutya at poot ng mga senador. Nanggigil at halos maiyak sa galit si Senator Jinggoy Estrada nang hindi makapagbigay ng detalyadong figure si Bonoan. “This is disgusting,” pahayag ni Estrada.
Bukod dito, ginamit ni Senator JV Ejercito ang terminong “Kleptospirosis”, isang malikhaing salita mula sa kleptomania (pagnanakaw) at leptospirosis, upang ilarawan ang nakakahawa at nakamamatay na katiwalian sa ahensya.
Lumabas sa pagdinig na ang problema ay hindi lamang isang kontratista. Ibinunyag ni Senator Win Gatchalian na ang ilan sa mga top contractor, gaya ng QM Builders, ay may napakaliit na paid-up capital na ₱1.250 milyon lamang, ngunit nakakuha ng kontratang aabot sa ₱7.383 bilyon.
Iginiit ng may-ari ng QM Builders na mali ang datos at 86 proyekto lang ang kanila, hindi 414.
Ayon kay Senator Raffy Tulfo, bahagi ito ng isang malawakan at sistemikong kalakaran kung saan hanggang 20-25% ng pondong proyekto ay napupunta sa “commissions” o lagay para sa mga opisyal at pulitiko.
Bilang agarang tugon, inalis sa pwesto ang buong engineering district office sa Bulacan at inilagay sa preventive suspension ang mga sangkot na empleyado. Nagsimula na rin ang isang fraud audit na pangungunahan ng Commission on Audit (COA).
Nangako si Secretary Bonoan na mananagot ang lahat ng mapatunayang sangkot. “We will make sure that those responsible will be held accountable,” pagwawakas niya.
Ngunit para sa mga residente ng Bulacan na patuloy na nagtitiis sa baha, ang pangakong ito ay naghihintay pa ng kongkretong patunay.
