ONLINE GAMBLING, UNTI-UNTING GUMIGIBA SA KAMALAYAN NG KABATAAN – SOLON
Ni Ernie Reyes
Noong nakaraang lingo, mahigpit na umapela si Senador Alan Peter Cayetano sa Senado na patindihin ang paninindigan laban sa online gambling dahil ito ang unti-unting sumisira sa kamalayan ng kabataan kaya’t nasasayang ang trilyong pondo sa edukasyon.
Sa ginanap na pagdinig sa Senado hinggil sa online gambling, sinabi ni Cayetano na hindi tugma sa pagpapalakas sa kabataang Pilipino sa pamamagitan ng trilyong pondo sa edukasyon kung patuloy na ipinaiiral na normal ang pagsusukal at pagkakalulong dito.

“I don’t take it against the Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) to raise funds, regulate gambling operators, and look into all kinds of gambling and gaming kasi iyan ang trabaho nila. But to regulate the illegal side, this is where the balance of government comes in,” pahayag ng senador sa kanyang opening statement sa August 14, 2025 joint public hearing tungkol sa online gambling.
“If PAGCOR and the Department of Finance are mostly looking at the revenue side, where is the rest of the government?” dagdag niya.
Ginawang halimbawa ni Cayetano, tagapangulo ng Senate Banks, Financial Institutions, and Currencies Committee, ang mahigpit na ordinansa laban sa pagsusugal na matagal nang ipinapatupad ng Lungsod ng Taguig.
“Taguig is blessed in the late 1990s because we passed an ordinance na bawal ang lahat ng klase ng sugal. When Mayor Lani (Cayetano) became Taguig mayor in 2010, wala po kaming casino. Nilabanan po namin iyan. Personally, I was one who put into law na sa local government, kailangan silang pumayag (sa sugalan). Pati po sabungan at bingo, hindi na namin binigyan ng lisensya,” paliwanag niya.
Ayon sa senador, layong itanim ng ordinansa sa kabataang Taguigeño ang kahalagahan ng pagsisikap at tamang pangangasiwa ng pera.
“This is part of teaching our young people to work hard and have the right values, and that every single peso that God gives them needs to be managed well,” wika niya.
Iginiit ni Cayetano na habang ang mga tradisyunal na paraan ng pagsusugal — maging ang maliliit na laro na inorganisa tuwing may patay — ay kinokontrol, ang online gambling ay patuloy na tumatakbo nang walang gaanong pangangasiwa.
“Nakumbinse na namin na kapag may patay, huwag nang magsugal tulad ng sakla, terembe, monte o anuman ang hilig na sugal before. Andiyan na kasi ang Department of Social Welfare and Development at local government na tumutulong sa panglibing,” aniya.
Dagdag pa niya, kahit mga maliliit na laro tulad ng cara y cruz ay hinuhuli ng Taguig police, pero ang mga iligal na online gambling ay nananatiling malaya.
“The irony is makikita ng bata na y’ung cara y cruz hinuhuli, pero y’ung iligal na e-sabong at kahit anong gaming ay pwede,” sabi ng senador.
“The other irony is that casinos, sabungan, even the lotto outlets have regulations on how far they should be from churches and schools. But actually, mag-CR lang ang estudyante, pwede na siya gumamit ng cellphone sa online gambling,” dagdag niya.
Ilang dekada na ang nakalipas nang una nitong inihain ang Anti-Gambling Act of 2000 (House Bill No. 12601 – An Act Prohibiting All Forms of Gambling thereby repealing the laws that created the Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) and the PAGCOR and revoking their respective Congressional franchises.)
Lalong lumakas ang sariling kampanya laban sa sugal noong 2021 pagkatapos mawala ang 34 na sabungero at nabunyag ang panganib ng e-sabong.
Si Cayetano din ang natatanging kandidato sa pagka-senador noong 2022 elections na tumakbo na may plataporma laban sa sugal. Noong halalan na iyon, walang ibang kandidato ang may lakas ng loob na magsalita laban sa anumang uri ng sugal.
Noong 2022, naghain din siya ng Anti-Online Gambling Act noong 19th Congress, at ipinagpatuloy ang kampanya para sa mas mahigpit na regulasyon.
Bago magsimula ang 20th Congress nitong buwan, nanawagan siya para mas pag-ibayuhin ang mga imbestigasyon sa industriya. Pansin niya, kahit ipinagbawal na ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), patuloy pa rin ang paglago ng online gambling sa bansa na mga Pilipino ang gumagamit.
Ngayong sa 20th Congress, sabay na tinutulak ni Cayetano ang tuluyang pagbabawal ng online gambling sa pamamagitan ng Ban on Online Gambling Act (Senate Bill No. 30) – isang prayoridad na panukalang inihain niya kasama si Senador Pia Cayetano, at ang Anti-Online Gambling Advertisement Act of 2025 (Senate Bill No. 109) na nagbabawal sa anumang uri ng promosyon ng sugal sa media platforms.
