2 DPWH BULACAN OFFICIALS, NATALO NG P300M SA PAGSUSUGAL SA CASINO – LACSON
Ni Ernie Reyes
Panibagong isyu na naman ang lumutang sa flood control anomalies sa Bulacan matapos ibulgar ni Senador Panfilo Lacson na dalawang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang natalo ng hindi bababa sa tig-P300 milyon sa casino gambling, nitong Lunes.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na kanyang naibigay ang matitibay na ebidenisya kay bagong DPWH Secretary Vince Dizon hinggil sa dalawang opisyal ng ahensiya na nakatalaga sa lalawigan ng Bulacan.
“The two of them, as per my information, used aliases. They hid their true identities, and used fictitious names,” ani Lacson, at idinagdag na isa ay district engineer at ang isa ay mas minor functionary.
“So you can just imagine the enormity of the corruption that is going on. This is only in Bulacan,” dagdag pa niya na tumutukoy sa lalawigan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva.

Naunang pinabulaanan ni Villanueva sa kanyang speech sa Senado na “wala siyang kakilalang” district engineer o sinumang opisyal ng DPWH sa Bulacan. Ngunit, ilang araw ang lumipas, naglabasan sa social media na siya mismo ang nagpakilala kay District Engineer Henry Alcantara na itunuturing nitong “pinakaguwapong” district engineer sa bayan ng Bocaue.
Ayon kay Lacson, hawak nito ang mga alias na ginamit ng mga opisyal kaya’t mas madali para sa mga awtoridad na matukoy sila o makuha ang rekord ng kanilang panalo at pagkatalo sa casino.
Ani Lacson, ibinigay niya ang impormasyon kay Dizon sa pamamagitan ng prospective staff niya na nakatrabaho ni Lacson sa Philippine National Police (PNP).
Batay sa impormasyong kanyang natanggap, may Salary Grade 19 o mas mababa ang mga naturang opisyal.
Binigyang-diin din ni Lacson na may memorandum circular na inilabas noong 2016 na mahigpit na nagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na magsugal sa casino.
Dagdag pa niya, itinatakda ng Article 178 ng Revised Penal Code na krimen ang paggamit ng pekeng pangalan upang itago ang isang krimen.
Bukod dito, nakasaad sa Republic Act 6713 o Code of Conduct para sa mga opisyal ng gobyerno ang parusang hanggang limang taong pagkakakulong, multang hanggang P5,000, at posibleng habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa gobyerno.
Binanggit din ni Lacson ang umano’y sindikatong gawain ng ilang opisyal ng DPWH tulad ng sa Bulacan 1st Engineering District, kabilang na ang “paghiram” ng lisensya ng mga kontratista para sa pagpapatupad ng proyekto.
Ibinunyag pa niya ang impormasyong nakarating sa kanya na si dating district engineer Brice Hernandez at ang kanyang grupo ay gumagamit umano ng pekeng pirma ng inspection team.
“Walang nangyaring inspection pero may pirma so nabayaran. So ganoon kasama na, at ganoon kagahaman na. Kasi sa halip na substandard hindi na talaga ginawa para ang buong budget para sa project, nilaro sa casino,” ani Lacson.
Dahil dito, iminungkahi ni Lacson na pag-aralan ang paggawa ng batas na magpapataw ng mabibigat na multa at pagkakakulong laban sa pagpapahiram at panghihiram ng lisensya.
Samantala, tiwala si Lacson na mababawi ni Dizon ang tiwala ng publiko sa DPWH sa gitna ng mga anomalya sa flood control projects.
“All I can say is that the President made a very good choice in the person of Sec. Dizon. Being an action man, he will initiate an extensive investigation on the anomalies involving flood control projects. In fact I heard he already ordered the submission of courtesy resignations of all officials with the rank of undersecretary and below, and I think that’s a good start,” dagdag niya.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews
