SAMU’T-SARING ANOMALYA SA PCAB NG DPWH, NABUKO SA SENADO

Ni Ernie Reyes

Ibinulgar ni Senador . Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Linggo ang ikatlong isyu na bumabalot sa katiwalian sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), kung saan isang contractor ang tinakot na hindi mare-renew ang kanyang lisensya kung hindi siya magbabayad. Sa pahayag, sinabi ni Lacson na mula sa  accreditation for sale hanggang sa conflict of interest, at ngayon nama’y extortion.

“Meron namang nagkaproblema, nakipag-settle sa PCAB, hiningan ng (hindi bababa sa isang) milyon din. Yan extortion, kasi bina-blackmail. Nag cough-up ang contractor kasi nagkaroon siya ng kaunting problema at gusto niyang i-settle. Tinakot siya at sinabihang di ma-renew ang license mo,” ani Lacson sa panayam ng DZBB, batay sa impormasyong nakarating sa kanya.

Binanggit din ni Lacson ang isa pang “horror story” na kailangang i-validate pa, kung saan isang contractor umano ang napilitang magbayad ng P7 milyon para sa kanyang unang accreditation.

Bagama’t hindi na nagbigay ng karagdagang detalye si Lacson, sinabi niyang umaasa siyang makikipagtulungan ang contractor na nagbayad ng P7 milyon sa mga imbestigasyon at isasalaysay ang kanyang karanasan.

Noong nakaraang linggo, sa kanyang interpellation kaugnay ng privilege speech noong Agosto 20 tungkol sa substandard at ghost flood control projects, binanggit ni Lacson ang impormasyong nakarating sa kanya na sangkot ang PCAB sa “accreditation for sale,” batay sa salaysay ng ilang private contractors na nagsabing kayang ayusin ng PCAB ang papeles kapalit ng hindi bababa sa P2 milyon.

Naglabas ng pagtanggi ang PCAB, ngunit iginiit ni Lacson na dapat pa rin nilang ipaliwanag kung paano nagkaroon ng accreditation ang ilang contractors matapos magbayad.

Nitong weekend, ibinunyag din ni Lacson ang conflict of interest na kinasasangkutan ng hindi bababa sa dalawang miyembro ng PCAB board – sina Engineers Erni Baggao at Arthur Escalante – na parehong lumalagda ng lisensya para sa mga contractors, subalit sila mismo ay may-ari ng construction firms na nakakuha ng mga kontrata para sa mga proyektong pinopondohan ng gobyerno.

Binatikos din ni Lacson ang pagtatangka ni Escalante na bigyang-katwiran ang kanyang posisyon sa pagsasabing ang batas na lumikha sa PCAB noong 1960s ay nag-aatas na ang mga miyembro ng board ay dapat mga contractors.

Binigyang-diin ni Lacson na malinaw ang Sec. 9 ng Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials na ang opisyal ng gobyerno “shall avoid conflicts of interest at all times” at kung magkaroon ng conflict of interest, dapat “resign from his position in any private business enterprise within 30 days from his assumption of office, and/or divest himself of shareholdings or interest within 60 days from such assumption.”

“Pag ikaw pumasok sa gobyerno particularly regulatory body at may conflict of interest ka dahil ang negosyo o practice mo ay magko-conflict sa iyong pinanghahawakang pwesto sa gobyerno, dapat mag-divest ka within 30 days,” ani Lacson.

“Kung susundin mo ang kanyang pangangatwiran maski appointed kang huwes o justice pwede ka pa ring mag-practice ng law o may-ari ng law firm? Di pwede yan ang kanyang pangangatwiran, medyo baluktot. Medyo ayusin niya mag consult siya sa lawyer niya dahil pag dumating ang pagkakataon na ma-file-an sila ng kaso because of clear conflict of interest, obvious yan, dahil recorded, may record,” dagdag niya. (Ernie Reyes)