5 Kawani ng LTO-R2, Arestado sa Pangingikil sa Nueva Vizcaya
BAMBANG, NUEVA VIZCAYA – Nahuli sa isang entrapment operation ang limang kawani ng Land Transportation Office (LTO) Regional Office 2 noong gabi ng Setyembre 1, matapos umano silang akusahan ng pangingikil (extortion) sa Bayan ng Bambang.

Ayon sa ulat ng DWRV, ang operasyon ay nag-ugat sa isang reklamong iniharap ng limang biktima, kabilang ang may-ari ng isang van na unang hinuli ng nasabing LTO team. Sa halip na magbayad ng multang P200,000, napagkasunduan na magbibigay na lamang ang mga biktima ng P25,000.
Bukod dito, umano’y nakipagkasundo rin ang mga kawani na magbabayad ng buwanang “protection money” ang mga biktima upang hindi na hulihin ang kanilang mga sasakyang walang prangkisa. Ayon kay Major Randy Velarde, Hepe ng PNP Bambang, napagkasunduan ang buwanang bayad na P1,000 bawat sasakyan at karagdagang P2,000 para sa mga green plate upang tuluy-tuloy ang kanilang operasyon.
Dahil dito, lumapit ang mga biktima sa DOTR-CAR na syang nag-endorso naman sa Bambang PNP, kasama ang NVPIU at PIT-NV, upang isagawa ang entrapment.
Nakilala ang mga suspek dahil sila rin ang parehong team na nanghuli sa mga nagreklamo. “Identified yung team leader, members at sasakyan na gamit nila. Minonitor namin kung kailan sila pupunta dito para kunin ang pera,” pahayag ni Major Velarde.
Kahapon, nangyari na ang planong pag-abot ng pera na siyang naging dahilan ng pagka-aresto sa mga suspek.
Bukod sa kaso ng pangingikil, nakuha rin mula sa isang suspek ang isang pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.69 gramo, mga drug paraphernalia, at perang nagkakahalaga ng mahigit P123,000. Sinisiyasat din ang tatlong baril (dalawang cal. .45 at isang 9mm) na nakuha sa kanila kung lehitimo ang mga dokumento nito.
Sasampahan ng mga kasong paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, RA 10591 (illegal possession of firearms), at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga arestado.
Faustino Dar nag-uulat para sa RoadNews