P51.2-B flood control budget insert sa 2026 NEP, nabuko ni Lacson: ‘May Bulacan din’

Ni Ernie Reyes


Ibinulgar ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson na hindi bababa sa P51.82 bilyong halaga ng malabong “distinct” insertions sa 2026 National Expenditure Program (NEP) na nais ilipat sa programang naaayon sa Philippine Medium-Term Development Plan.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson na natuklasan ng kanyang tanggapan na gagamitin ang pondo para sa   flood management program para sa Metro Manila at Regions 1 (Ilocos), 2 (Cagayan Valley), at 3 (Central Luzon) partikular sa Bulacan.

Nagkasundo si Lacson at Senate finance committee chairman Sherwin Gatchalian na alisin ang pondo para sa mga proyektong kahina-hinala at ilipat ito sa mas makabuluhang programa.

“Gusto namin ni Sen. Gatchalian is tanggalin ang malabong description na items sa NEP. Ang plano doon siguro iba igo-ghost talaga kasi di mo ma-identify,” aniya sa panayam sa DZRH.

“Mag-a-amend kami, ire-realign namin sa tingin namin na naaayon sa direction ng Philippine medium term development plan. Ang plano talaga, nagkasundo kami ni Sen. Gatchalian tatanggalin namin lahat yan. Ang labo eh,” dagdag niya. Ani Lacson, makikipagugnayan sila sa Department of Budget and Management at Department of Public Works and Highways para ang mga amendments ay sang-ayon sa direksyon ng pambansang pamahalaan.

Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) nitong Martes, sinabi ni Lacson na kabilang sa mga ito ang:

* 88 items na tig-P150 milyon ang pondo bawat isa, kabuuang P13.2 bilyon
* 373 items na tig-P100 milyon ang pondo bawat isa, kabuuang P37.3 bilyon
* 11 items na tig-P120 milyon ang pondo bawat isa, kabuuang P1.32 bilyon

Sa privilege speech niya noong Agosto 20, “distinct” ang tawag ni Lacson sa mga budget items na pare-pareho ang contract cost.

Isa itong “coded budget” na nagpapahiwatig kung kanino ang mga proyekto.

Marami sa mga item ang walang stationing – isang red flag na indikasyon ng ghost projects.

Dahil dito, iminungkahi ni Lacson ang pagkakaroon ng executive session upang malaman ng mga senador kung aling development programs dapat i-realign ang mga pondo, alinsunod sa Philippine Medium-Term Development Plan.

Sinabi naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na makikipag-ugnayan siya kay DPWH Secretary Vince Dizon hinggil sa usapin.

“Pag ang contractors have invaded the House and congressmen have invaded the construction business, ito po ang outcome. Kasi NEP pa lang pinapayagan sila ng DPWH to make insertions,” ani Lacson.

“Ang tama sa atin dito hindi isang whammy, hindi double whammy, hindi triple whammy – quadruple whammy. Sa NEP may insertion, sa House GAB may insertion, sa Senate version may insertion, sa bicam may insertion. Quadruple whammy ang tama ng Pilipino dito,” dagdag ng mambabatas.

Partisipasyon ng DPWH sa Maagang Insertions

Ibinunyag din ni Lacson na maaaring dapat tanungin ng DBM at Malacañang ang DPWH, matapos malamang isang kinatawan ng DPWH ang tumawag sa ilang mambabatas upang magpasok ng mga proyekto sa NEP.

Bilang halimbawa, binanggit niya ang karanasan ni Senate minority leader Vicente Sotto III, na ang kanyang staff ay nakatanggap ng tawag mula sa isang kinatawan ng DPWH na humihiling na magsumite ng mga proyekto para sa insertion—ngunit tinanggihan ito ni Sotto.

“Tukoy kung sinong tumawag. Sabihin kay Tito Sen magsingit sa NEP, sabi niya, ayoko,” ani Lacson. 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews