PINANGUNAHAN NI GOV. ALBANO ANG MASINSINANG PAGMO-MONITOR SA MGA PROYEKTO SA ISABELA
Inatasan ni Governor Rodito Albano III ang lahat ng punong-bayan at mga opisyál ng barangay sa Isabela na masigasig na tutukan ang mga ipinatútupad na proyekto sa kani-kanilang mga nasasakupan, lalo na ang mga flood control project.
Binigyang-diin ng gobernador ang kahalagahan ng pagiging bukas at tapat sa pagpapatupad ng mga proyekto, partikular na ang mga may malaking epekto sa kaligtasan at kabuhayan ng mga mamamayan.
Bilang bahagi ng pagtitiyak na maayos ang mga proyekto ng DPWH, DA, NFA, at iba pang mga ahensya, itinatag ang isang Joint Inspection Team na bubuuin ng mga kinatawan mula sa lalawigan at mga lokal na pamahalaan.

Ipinag-utos din ni Gov. Albano ang regular na buwanang pagpupulong ng mga alkalde at opisyál ng barangay upang iulat ang progreso ng mga proyekto sa kanilang mga lugar.
Kaugnay ng dredging at desiltation ng mga ilog at sapa na konektado sa Cagayan River, hinimok ng gobernador ang mga residente sa bawat barangay na panatilihing malinis ang mga daluyan ng tubig upang maiwasan ang pagbaha.
Ayon sa kanya, sa pamamagitan ng ganitong sistema, mas magiging mabilis at maayos ang pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan para sa kapakanan ng lahat.
Weng Torres nag-uulat para sa RoadNews