SENATE PROBE VS FLOOD CONTROL SCAM, hihigpitan ni Lacson: ‘Walang palusot, resibo dapat’

Ni Ernie Reyes

Tiniyak ni Incoming Blue Ribbon Committee chairman Panfilo Lacson na hihigpitan ang imbestigasyon sa flood control anomalies sa pamamagitan ng paghingi ng resibo at hindi papayagan ang anumang uri ng palusot sa resource person.

Sa pahayag, sinabi ni Senate president pro-tempore Lacson na kabilang sa iimbestigahan ang lahat ng    mga substandard at ghost flood control projects.

Sinabi ni Lacson nitong Martes na gagamitin niya ang ganitong pamamaraan sa mga alegasyon nina Pacifico at Cezarah Discaya na nandadawit sa ilang mambabatas at opisyal sa katiwalian.

“Unang una, resibo ang hahanapin ko. Di pwedeng say-so, di pwedeng maski sino ang ituro ay hook, line and sinker, yun na yun. Siyempre hanapin mo ng pruweba. Kasi ako mahilig ako sa resibo eh. Pagka ako, sa privilege speech ko, hindi po pwedeng basta sasabihin ko lang na bali-balita lamang o sabi-sabi ng kung sino. Kailan tingnan mo, teka muna, anong magbaback-up dyan na ebidensya na totoo yan?” ani Lacson.

Dagdag pa niya, titingnan din niya nang masinsinan ang umano’y mga ledger at voucher na naglalaman ng mga halagang ibinigay umano sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa ilang mambabatas.

Binigyang-diin ni Lacson na upang masiguro ang patas na imbestigasyon, babantayan niya ang mga “selective” na testimonya mula sa mga Discaya at iba pang resource persons.

Aniya, magsisimula siya kung saan natigil ang mga nakaraang pagdinig ng Blue Ribbon Committee hinggil sa flood control projects.

Samantala, sinabi ni Lacson na hindi niya nakikitang magkakaroon ng sagupaan sa gagawing trabaho ng independent commission na bubuuin ng Malacañang, dahil ang Blue Ribbon Committee ay gumagalaw “in aid of legislation.”

Dagdag niya, handa pa siyang ibahagi sa independent commission ang mga ebidensyang makakalap ng Blue Ribbon probe, upang makatulong sa paglilitis ng mga mapapatunayang may pananagutan.

“Wala. Magkahiwalay yan… Pero kung meron kaming makalap kaming evidence doon ipapasa namin sa independent commission. Nag-usap kami ni DPWH Sec. Vince Dizon diyan,” tugon ni Lacson sa DZXL, nang tanungin kung magkakaroon ng banggaan ang imbestigasyon ng Blue Ribbon committee at ng independent commission.

Sinabi ni Lacson na nabigyan na niya si Dizon ng mga ebidensyang batay sa kanyang unang privilege speech. Dagdag niya, muli siyang magbibigay kay Dizon ng panibagong ebidensya matapos ang kanyang ikalawang privilege speech. 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews