CCC KINALAMPAG SA EPEKTO NG GREENHOUSE GAS EMISSION VS CLIMATE CHANGE, FLOOD CONTROL
Ni Ernie Reyes
Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Climate Change Commission (CCC) na i-monitor at sukatin ang greenhouse gas emissions upang maibsan ang epekto ng climate change at mapabuti ang programa ng bansa sa pagkontrol sa baha.
“Dapat ipakita ng CCC ang siyensiya sa likod ng climate change upang maging gabay sa flood control projects. Madaling isisi sa climate change pero kung ito talaga ang dahilan ng pagdami ng mga bilang ng pagbabaha, kailangan natin ng mga solusyon tulad ng isang epektibong programa para sa pagkontrol sa baha,” sabi ni Gatchalian sa pagdinig ng Senado hinggil sa iminumungkahing pondo ng CCC para sa 2026.

“Kailangan natin ng taunang pagsubaybay sa greenhouse gas emissions para malaman kung napapabuti tayo at nananalo sa laban na ito, at iyon ang buong punto kung bakit merong CCC,” pagdidiin niya.
Ayon sa senador, hindi lamang dapat magtuon ang CCC sa pagsunod sa mga international commitments kundi gawing makabuluhan din ang papel nito sa mga ordinaryong Pilipino.
“Gusto natin na bigyan tayo ng CCC ng siyentipikong solusyon sa climate change at maging mahalaga sa ating mga nasasakupan,” sabi ni Gatchalian.
Aniya, ang maraming Pilipino ay nakakaugnay sa mga isyu ng climate change tulad ng pagbaha sa gitna ng pagkakadiskubre ng mga anomalyang proyekto kaugnay ng pagkontrol sa baha.
