Nabukong P100B budget insertions sa 19th Congress, PAMPAGISING VS PORK BARREL – Lacson
Ni Ernie Reyes
Hindi layunin na ipahiya ang sinuman sa pagbubulgar ng dambuhalang budget insertions ng Senado at Mababang Kapulungan sa 2025 national budget kundi pagkakataon itong tugunan ang galit ng mamamayan laban sa katiwalian.
Inihayag ito ni Senador Panfilo Lacson saka binanggit na dapat matiyak na “pork free” ang 2026 national budget upang matugunan ang hinaing ng mamamayan na itigil ang korapsiyon sa pamahalaan.
Aniya, kanyang ipinaliwanag ito sa ginanap na caucus ng lahat ng senador nitong Lunes na may ilan na nagpahayag ng pangamba na maaaring maapektuhan ang institusyon dahil sa pagbubunyag hinggil sa mahigit P100 bilyon budget insertions.
“I can actually feel and understand completely the sentiments expressed by my colleagues, atleast the members of the majority bloc during our majority caucus yesterday, so I explained to them that the mention of ‘almost all senators’ was not intended to put them or the whole Senate on the spot, nor did I have the intention of calling them out particularly,” ani Lacson.
“The overarching reason for my disclosure or revelation was to point out that we must accept the fact that we are all in crisis owing to the recent anomalies involving the substandard and even ghost flood control projects unearthed in the course of the Blue Ribbon Committee hearings and other similar investigations,” dagdag niya.
Sa isang panayam sa NET25, sinabi ni Lacson na dapat itong magsilbing pagkakataon para ang Senado ang manguna at magbigay ng halimbawa para sa isang tunay na transparent na budget.
Ang malinaw at pangunahing mensahe, aniya, ay iwasan o di kaya’y bawasan ang pagmamaniobra sa pambansang budget, lalo na kung ang kapalit nito ay ang pagtanggal ng pondo mula sa mga proyektong naaprubahan at sinuri — partikular na ang mga proyektong may foreign assistance — para lamang mapaboran ang mga “pet projects.”

“Hindi ito patungkol sa tao-tao, maging senador or congressmen. Ito patungkol sa aming lahat, reminder na binabantayan tayo, mag-ingat tayo,” dagdag niya.
Muling binalaan ni Lacson na maaaring banta sa ekonomiya ang mga kuwestiyonableng insertions dahil ang mga pondong naisantabi o naiba ang direksyon ay sana’y mapupunta sa mga programang pang-imprastruktura na maingat na pinlano at sinuri sa antas ng barangay, lungsod, at rehiyon.
Dagdag pa niya, kung ang local counterpart funds para sa mga proyektong may foreign assistance ay babawasan para lamang sa mga pet projects, maaari nitong mailagay sa alanganin ang proyekto at magdulot ng kahihiyan sa Pilipinas sa harap ng mga dayuhang katuwang.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews
