GHOST PROJECTS LIST ISAPUBLIKO; sangkot sa flood control scandal, panagutin na – Cayetano

0

Ni Ernie Reyes

Lantarang kinalampag ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang administrasyon na kaagad kasuhan ang sinumang sangkot sa flood control scandal saka ilantad sa publiko ang listahan ng ghost projects at hindi.

Sa pahayag, sinabi ni Cayetano na tatlong buwan na ang nakalipas simula nang paringgan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga opisyal na dawit sa korapsyon sa flood control projects, pero hanggang ngayon wala pang nananagot.

“Sa October 25, third month na ng speech (State of the Nation Address) ng Pangulo na ‘Mahiya naman kayo’. Kung hindi ako nagkakamali, n’ung last week ng August, nag-resign na rin si Public Works Secretary Manny Bonoan. Magaling si (current Public Works) Secretary Vince Dizon. May integrity at mabilis kumilos. But still, isang buwan na, (wala pang naging accountable),” pahayag ng senador.

Aniya, dapat ilabas na ng mga kinauukulan ang kumpirmadong listahan ng mga binayaran pero “ghost” na flood control projects. 

“Listahan lang kung ano y’ung ghost o hindi (ang kailangan), tapos maririnig mo ang balita na sinusunog o tinatapon, o iba na y’ung mga dokumento. Eh baka ang iba diyan na ghost ay hindi na ghost (projects)? May nabalitaan tayo na may isang project pero kung kailan pa na ginawa. Ang problema, hindi pa pina-publish ngayon, whether iyon ay bayad na o hindi pa,” sabi ni Cayetano.

Hinimok niya ang Commission on Audit (COA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na simulan nang isapubliko ang mga dokumento ng kumpleto at bayad nang mga proyekto nitong mga nakalipas na taon. 

“Ako simple lang, COA at DPWH, mag-publish kayo ngayon ng lahat ng bayad (na proyekto). Simulan niyo sa 2025. Ang problema napupulitika kasi gusto simulan ng 2016… Hindi tayo matatapos noon. First things first muna – 2024 at 2025 kasi iyon ang pinaka-recent. Kapag iyan nilabas agad ang pondo at ghost projects, huli agad iyan. Kakanta na agad iyan,” paliwanag ng senador.

Giit niya, ang pinakamahalaga dito ay matukoy kung sino ang mga tunay na mastermind sa likod ng maanomalyang flood control projects.

“Hindi ito palakihan ng isda eh. Parang beehive ito. Kailangan kunin ang queen bee, manganganak at manganganak lang iyan. Syempre ang temptation is senador (ang idawit) kasi mataas iyan, pero mastermind ba iyan? You get the masterminds kasi iyan ang mga queen bee,” aniya.

Pinuna niya rin ang kawalan ng malinaw na framework sa imbestigasyon. Aniya, bago pag-awayan kung sino ang dapat maging state witness ay dapat may maayos nang working theory sa nasabing scandal.

“Away na ng away sino ang pwedeng state witness, eh wala pang working theory. Paano malalaman kung sino ang most guilty and least guilty kung hindi mo pa alam ano ang sistema? Kasi may normal na korapsyon dito, at may isinama dito sa bagong sistema. Ginugulo na,” giit ng senador.

Hinimok ng Minority Leader ang mga awtoridad na umaksyon agad para unti-unting manumbalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno.

“Ang kalaban natin ngayon ay fear — fear na baka walang mahuli, na lalong grumabe ito, na mamundok mga anak natin kasi wala namang nangyayari. Kalaban natin ay galit ng tao. Pero ang pinakamalaking kalaban natin dito ay kawalan ng tiwala ng tao,” aniya.

“Puhunan natin ang tiwala ng tao.” Dagdag niya.

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *