PBBM: Kinilala ang Mahalagang Tungkulin ng mga Barangay, Liga Inatasang Makipag-ugnayan sa DILG
MANILA – Binigyang-pugay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mahalagang papel ng mga barangay bilang pangunahing tagapaghatid ng serbisyo publiko sa mamamayan, sa kanyang pakikipagtipan sa mga opisyal ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas (LBP) sa isang courtesy call sa Malacañang.

Photo Courtesy of Presidential Communications Office
Bilang hakbang sa patuloy na pagpapahusay sa mga komunidad, inatasan ng Pangulo ang nasabing grupo na makipag-ugnayan sa Kagawaran ng Interior at Local Government (DILG). Layunin nito na maisulong ang mga programang maglalatag ng mga konkretong hakbang upang palakasin ang pamumuno at kakayahan ng mga barangay official sa buong bansa.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang mga barangay ang nasa unang hanay ng paghahatid ng mga programa at serbisyo ng pamahalaan, kung kaya’t mahalaga na sila ay maging episyente at epektibo sa kanilang tungkulin.
Inaasahang ang mas maigting na pakikipagtulungan sa pagitan ng LBP at DILG ay magbubunsod ng mga proyekto at pagsasanay na tutugon sa pangangailangan ng mga pinuno sa grassroots level.
Jovan Casidsid nag-uulat para sa RoadNews