Pondo sa Flood Control Projects, ILILIPAT sa Free College Education Law – Bam

0

Ni Ernie Reyes

Humingi ng eksaktong numero ng badyet si Senador Bam Aquino matapos magkasundong ilipat ang multi-bilyong pondo sa flood control project tungo sa implementasyon ng Free College Education Law.

Sa pahayag, sinabi ni Aquino, pangunahing awtor ng Free College Education Act , na kailangan magtakda ng tiyak na budget requirements ang Kongreso sa 2026 national budget upang matugunan ang kakapusan ng pondo sa sektor. Aniya, layunin ng panukala na palakasin at palawakin ang  “Libreng Kolehiyo” kabilang ang lahat ng programang pang-scholarship at subsidy ng gobyerno upang mas maraming estudyante ang makapag-aral sa kolehiyo.

“Sa ganitong paraan, magkakaroon ang Senado ng malinaw na batayan sa pagtukoy kung magkano ang kinakailangang pondo upang ganap nang masuportahan ang programa at matiyak na mas maraming estudyante ang makikinabang sa Republic Act No. 10931 o ang Free College Law at sa iba’t ibang scholarship at subsidy programs tulad ng Tertiary Education Subsidy (TES) at Tulong Dunong Program (TDP) sa mga estudyanteng naka-enroll sa parehong pampubliko at pribadong paaralan,” ayon kay Aquino.

“We want to expand the program and we can do that, considering na may budget tayo ngayon, meron tayong pagkukuhanan sa flood control,” sabi ni Aquino sa pagdinig ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education hinggil sa mga panukalang palawakin ang TES at palakasin ang RA 10931.

Matatandaan na si Aquino ang nagsulong sa “Libreng Kolehiyo” noong 2017 bilang principal sponsor sa panahon niya bilang chairperson ng Senate Committee on Education.

Binigyang-diin niya na sa pagtatakda ng tiyak na halaga, masisiguro na ang mga kasalukuyang benepisyaryo ng batas ay patuloy na makatatanggap ng suporta hanggang sa kanilang pagtatapos at mapapalawak pa ang programa para sa maraming estudyante.

“May pondo po tayo. But let’s make it clear. Gusto po natin, iyong mga estudyante may nakukuhang tulong, tuloy-tuloy iyong tulong. Iyong tulong na nakukuha nila, sapat para makapagtapos sila,” sabi ni Aquino.

“Iyong tulong, hindi lang para sa 4Ps, pero iyong mga estudyante talagang nangangailangan in public and in private schools. Noong binuo po namin iyong batas ng mga senador at congressman, iyon po ang nasa puso namin,” dagdag pa niya.

Hinimok din ng senador ang Commission on Higher Education (CHED) at iba pang kaukulang ahensya na magpulong at magkasundo sa isang tiyak at sapat na halaga upang masiguro ang kumpletong pagpapatupad ng mga programang ito, para maipagtanggol nila ito nang maayos sa 2026 budget deliberations.

“When you come back to us, it’s a number that you all agree on. Nagkakaisa na kayo sa numerong ito. Kami po, ipaglalaban talaga naming iyan. We will really do our best to fund this properly, but we need to see the proper numbers, the proper basis, the proper logic sa mga numerong ito,” ani Aquino.

Binigyang-diin din ni Aquino ang kahalagahan ng pagtaas ng pondo para sa TES, na bumaba sa nakalipas na dalawang taon, upang matiyak na patuloy na makatatanggap ng tulong mula sa gobyerno ang mga mahihirap ngunit karapat-dapat na estudyante.

“We’re concerned about the lowering of the budget for the TES or the Tertiary Education Subsidy, how it has gone down for the past two years. At iyong balak po natin ay itaas ito para siguradong lahat ngayon nangangailangan ay makakakuha ng tulong,” wika niya.

“Siguraduhin natin na iyong mahihirap na estudyante na nasa 4Ps ay mabibigyan ng tulong galing sa TES, at iyong iba pang mga estudyante na posibleng wala naman sa 4Ps pero nangangailangan ng tulong, ay maganda na mabibigyan ng tulong ng gobyerno mula po sa programang ito,” dagdag pa ng Senador.

Nagpahayag din ng lungkot si Aquino na may mga estudyante ang napilitang huminto sa pag-aaral dahil sa pagbawas ng saklaw ng TES. Bilang tugon dito, iminungkahi niyang tiyakin na ang mga estudyanteng nakatanggap ng TES sa kanilang unang taon ay mapanatili ang parehong antas ng suporta hanggang makatapos.

“Kung mayroon kang TES on the first year at ganito iyong presyo, ganito iyong halaga, dapat siguro four years na iyan. Para meron kang kasiguraduhan na meron kang tulong na makakamit. At the same time, iyong amount na iyan, dapat din siguro hindi bumababa,” paliwanag ni Aquino.

“Kapag binababa po iyan, nagugulo talaga yung pamilya. Iyong mga magulang na noon umaasa sa tulong na ito, suddenly kailangang umutang, kailangang maghanap ng bagong trabaho, kailangang mag-abroad dahil walang kasiguraduhan doon sa scholarship na dapat nakukuha ng mga anak po nila,” dagdag pa niya. 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *