Hearing ng ICI, PINALALANTAD SA PUBLIKO ni Cayetano: ‘Tiwala ng publiko, makakamit’
Ni Ernie Reyes
Hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) na patunayan ang tunay nitong pagiging tapat at bukas sa publiko habang iniimbestigahan ang mga proyekto sa imprastruktura na nagdulot ng kawalan ng tiwala ng taumbayan sa gobyerno.
Ito’y matapos ipahayag ng komisyon na hindi magkakaroon ng livestream ang mga pagdinig upang maiwasan umano ang tinatawag nitong “trial by publicity.”
Sa panayam sa mga mamamahayag sa Senado nitong October 8, 2025, iginiit ni Cayetano na dapat tiyakin ng ICI na mananatiling bukas at mapanagot sa publiko ang kanilang mga hakbang sa gitna ng imbestigasyon.

“What form of transparency can you offer that will give us enough information? [How can we ensure] that the journey will be together, hindi y’ung kayo lang?” tanong niya.
Ayon kay Cayetano, hindi dapat matapos ang imbestigasyon sa paglalabas ng mga konklusyon kundi dapat ay malinaw din sa publiko ang proseso upang hindi ito maging dahilan ng pagdududa.
“Ang kailangan ng ICI is that your conclusion has to be supported by the public. And usually, ‘pagka hindi alam ng mga tao y’ung premise at y’ung proseso, hindi ganoon kadaling suportahan y’ung conclusion,” wika niya.
Bagaman naniniwala siya sa sinseridad ng mga taong bumubuo sa komisyon, iginiit ni Cayetano na kailangang palakasin pa ang istruktura nito upang masiguro ang kredibilidad at pagiging patas ng kanilang trabaho.
“I believe in the ICI. I believe in the people there individually. But from the start, sinabi ko sa inyo, hindi pa ‘independent’ ‘yan at kulang pa — whether sa batas o kung paano aayusin,” wika niya.
Iminungkahi rin ng senador na isama sa komisyon ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng relihiyon upang maging mas patas at mapagkakatiwalaan ang proseso.
“Lagyan ng isang representative ng Catholic bishops, isa from the Born Again Christians, isa from the Muslims, isa from Iglesia ni Cristo,” wika niya.
Nagbabala si Cayetano na kung mananatiling kulang sa transparency ang ICI, mananatili ring malakas ang kapangyarihan ng mga nasa likod ng katiwalian na maghasik ng pagkakawatak-watak at galit sa publiko.
Dagdag pa niya, dapat magpakita ng malinaw na direksyon at patas na pamamalakad ang ICI at Senado sa pamamagitan ng Blue Ribbon Committee upang muling mabuo ang tiwala ng mamamayan.
“We need radical change. We need transformation. We need to attack the core values of our government. It’s not happening with the present investigations unless may tamang direction at malinaw na proseso,” wika niya.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews