kspho

KSPHO ni Darwell Baldos

Napasyalan mo na ba at nasilayan ang magandang tanawin sa Masungi Georeserve? Ano pa ang inaantay mo, kung hindi pa, pumasyal ka na at mamangha sa ganda ng kapaligiran habang nariyan pa.

Dahil sa sobrang nakakalungkot at nakakabahala talaga yung nangyayari sa Masungi Georeserve. Parang ang sama ng timing, diba? Sa panahon ngayon na halos lahat na ng lugar pinagkakakitaan na at pinapatay ang kalikasan, dito pa sila magkakaroon ng issue sa isang proyektong matagumpay naman ang naipakita pagdating sa pagpapabalik ng kagubatan.

Ang hirap intindihin kung bakit parang mas pinipilit pa ng DENR na patayin ang isang proyektong may matagumpay na palang naipakita. Sa halip na purihin at suportahan ang Masungi sa pagpapataas mula 10% hanggang 70% ng forest cover, sila pa ang pinag-iinitan. Nakakapagtaka talaga. Parang mali yung priyoridad. Dapat nga, ang mga nasa DENR, sila ang pinakamahigpit na kakampi ng mga lugar tulad nito.

Naiisip ko, paano kaya kung mawala ang Masungi? Yung tubig na iniinom sa Maynila, parte noon galing sa watershed na iyon. Yung mga bagyo at baha, hinihigop ng gubat na iyon. Parang pinapatay nila ang isa sa mga pinakamahalagang sandata natin laban sa pagbabaha at tagtuyot.

Nakakainis din isipin na sa dami ng mga illegal na nangyayari sa kabundukan, mga illegal logging, quarrying, at land grabbing, sila pa yung hindi umaalis. Tapos itong Masungi, na dokumentado naman ang pagprotekta at pagpapanumbalik ng gubat, sila pa ang pinapaalis. Parang may mali talaga!

Sana ay magkaroon ng masinsinang diyalogo sa pagitan ng DENR at ng Masungi. Sana ay magkaroon ng paraan kung saan makikita ang halaga ng naibigay na serbisyo ng Masungi sa bansa. Huwag sana nating hintayin na mawala ito bago natin pagsisihan. Ang kalikasan, kapag nawala, mahirap nang buhayin muli. DENR Baka Naman!