Lacson: Flood control scandal, may logical conclusion: ‘Bunga ng pagsisikap, nababanaag’
Ni Ernie Reyes
Unti-unti nang nababanaag ang magandang resulta sa imbestigasyon ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan sa flood control scandal na bumaha ng korapsiyon at kasakiman sa buong bansa kaya maraming lugar ang lubog sa baha.
Ganito ang pananaw ni Senate President Pro- tempore Panfilo Lacson sa pagsasabing may patutungunan na ang imbestigasyon kaya’t kaialnghan ituloy ang pagsusulong upang maabot ang “logical conclusion” sa maanomalyang flood control project.
Binigyang-diin ito ni Lacson nitong Biyernes matapos irekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Ombudsman ang pagsasampa ng mga kasong graft, plunder at bribery laban kay dating Speaker Martin Romualdez at ex-Rep. Elizaldy Co.

“We’re getting there. We are beginning to see the fruits of our collective labor. But make no mistake: the road ahead is long, and we must sustain our efforts until we reach the logical conclusion: the prosecution, conviction, and jailing of those involved. This can be done only through the gathering and presentation of evidence,” ani Lacson, na namumuno sa Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa katiwalian sa likod ng substandard at ghost flood control projects.
Nitong Biyernes, dinala nina DPWH Secretary Vince Dizon at ICI Commissioner Rogelio Singson sa Office of the Ombudsman ang ilang kahon ng ebidensya laban kina Romualdez at Co, na sumasaklaw sa higit P100 bilyong halaga ng mga kontratang kinasasangkutan ng Sunwest, Inc. at Hi-Tone Construction and Development Corp. ni Co mula 2016 hanggang 2025.
Ani Singson, inaasahan pa nila ang karagdagang dokumento mula sa pinagsamang ground troops ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na nag-inspeksyon sa ilang flood control projects.
Noong Agosto at Setyembre, nagkaroon ng dalawang privilege speech si Lacson hinggil sa maanomalyang flood control projects kung saan dinetalye niya ang katiwalian sa likod ng palpak at guniguning proyekto, kabilang ang sistematiko at garapalang korapsyon sa loob ng DPWH. Sa tindi ng korapsyon, ilan sa mga sangkot ay nagawa pang ipang-gamble ang pera ng taumbayan sa mga casino.
Ipinaabot din ni Lacson sa ICI at sa Office of the Ombudsman ang mga kopya ng kanyang privilege speeches kasama ang mga kaugnay na dokumento at ebidensya upang makatulong sa paghabol sa mga sangkot.
Gayunman, iginiit ni Lacson na mahaba pa ang imbestigasyon, matapos tinaya ni ICI Commissioner at dating DPWH Secretary Rogelio Singson na nasa 15 katao kada ghost project – o hindi bababa sa 1,200 katao para sa initial na 80 suspected ghost projects – ang posibleng makasuhan kaugnay ng anomalous flood control programs.
“I will extend my full support by providing the mandated investigating and prosecution agencies with whatever documents and other evidence we have, to help achieve the logical conclusion with the prosecution, conviction and jailing of those involved,” ani Lacson.
“We can all help in making those involved answerable. I will augment such efforts with whatever documents or other pieces of evidence we have,” aniya.
