P2.46-B inilaan sa Child Development Centers sa kanayunan – Gatchalian
Ni Ernie Reyes
Naglaan ang Senado ang P2.46 bilyon sa susunod na taon upang gawin child development centers (CDC) ang day-care centers sa mahihirap na munisipalidad, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian sa deliberasyon ng pambansang badyet sa Senado.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance, na layunin nito na paigtingin ang paghahatid ng serbisyo sa Early Childhood Care and Development (ECCD).

“Habang pinatitibay natin ang access sa mga textbook at tinutugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan, huwag din nating kalimutang palakasin ang early childhood education sa antas ng komunidad,” ani Gatchalian na binigyang diing 3,810 ang bilang ng mga barangay na wala pang CDCs sa kasalukuyan.
“Mahalaga ang mga CDC sa pagpapatatag ng mga pundasyong kinakailangan ng ating mga kabataan upang magtagumpay sila sa paaralan at sa buhay,” dagdag na pahayag ng senador.
Ang naturang pondo ay manggagaling sa Local Government Support (LGSF) upang suportahan ang mga fourth- at fifth-class municipalities, paliwanag ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.
Ayon pa sa senador, ang paglalaan ng naturang pondo ay sang-ayon sa pagpapatupad ng Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 12199) na kanyang isinulong bilang sponsor at may-akda.
Unang iminungkahi ni Gatchalian ang paggamit ng LGSF para sa pagpapatayo ng mga CDC sa mga fourth- at fifth-class municipalities. Naging bahagi ng batas ang kanyang mungkahi.
Layon ng naturang batas na palawakin ang access ng mga batang wala pang limang taong gulang sa mga programa at serbisyo ng ECCD.
