TRANSPORTATION LINKS, DAPAT PALAKASIN PARA SA TURISMO, KABUHAYAN – CAYETANO
Ni Ernie Reyes
Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa Department of Transportation (DOTr) na unahin ang integrasyon ng transportasyon at palakasin ang mga koneksyon na malaki ang maitutulong sa pagpapaunlad ng sektor ng turismo at kabuhayan sa bansa.
Aniya, mas maraming turista at oportunidad sa kabuhayan ang maidudulot ng maayos ang transport links sa bansa.

“The more convenient you can make it for the people, the more na dadayuhin ka… The infrastructure is the first thing to look at because if it’s there, it’s easy,” sabi ng senador sa DOTr panel sa Senado habang tinatalakay ang panukalang 2026 budget ng ahensya.
Tugon ito ni Cayetano matapos sabihin ni budget sponsor Senador JV Ejercito na patuloy na nahihirapan ang DOTr na makahabol sa kinakailangang imprastraktura para sa mas maayos na paggalaw ng tao at kalakal.
Sabi pa niya, malaking tulong ang maayos na transport links sa ekonomiya ng mga komunidad, lalo na sa pitong pantalan na tumatanggap ng cruise ships – dalawa sa Ilocos at tig-isa sa Manila Bay, Cebu, Bohol, Siargao, at Palawan.
Dagdag ni Cayetano, posibleng magamit din ang iba pang pangunahing pantalan tulad ng Subic, Batangas, Cebu, at Davao para sa cruise ships.
“In tourism, for every two or three tourists, one Filipino job is created,” aniya. Binigyang diin niya na nakakatulong din ang pagdating ng cruise ships sa iba pang aspeto ng ekonomiya.
Binanggit din ni Cayetano ang matagumpay na ruta ng mga cruise ship sa Southeast Asia bilang halimbawa kung paano nakakatulong ang intermodal systems sa paglago ng turismo.
“When Singapore was desperate in the early 70s or late 60s, they turned to tourism,” sabi ng senador at ipinaliwanag kung paano patuloy na nakikinabang ang Singapore at mga karatig-bansa sa mga regular na cruise na dumadaan sa kanilang mga pantalan.
Aniya, ang pagpapabuti ng transport convergence ay maaaring magposisyon sa Pilipinas bilang pangunahing tourist destination at posibleng maging mahalagang ruta para sa mga cruise ship sa rehiyon.
