P6.8T 2026 national budget, pinasisilip ni Lacson sa publiko: “Nasa website ng Senado’
Ni Ernie Reyes
Hinikayat ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson ang publiko nitong Sabado na tingnan kung paano ipinairal ng Senado ang transparency sa bersyon nito ng P6.793-trilyong panukalang pambansang budget para sa 2026, sa pamamagitan ng pagbisita sa website ng Senado.
Ani Lacson, makikita sa Senate website ang mga repormang ipinatupad ng Senado sa proseso ng budget, kabilang ang pagli-livestream ng mga pagdinig mula sa antas ng komite hanggang sa plenary deliberations.

“Sa pangkalahatan, maganda ang kinalabasan ng budget as far as the Senate. I would encourage you, pati ang ating mga kababayan, check ninyo ang website ng Senado. Makikita ninyo lahat doon, pati ang individual amendment ng bawat senador kasi naka-record lahat yan, hindi tulad dati bulung brigade sulat lang, walang maituturo kung sino ang nag-insert o nag-amend sa iba’t ibang ahensya,” giit ni Lacson sa panayam sa isang himpilan ng radyo.
Naglalaman ang website ng Senado (senate.gov.ph) ng mga livestream video ng deliberations, habang ang budget portal (budget-transparency-portal.senate.gov.ph) ay may dagdag na detalye gaya ng mga dokumento at transcript ng mga pagdinig.
Giit ni Lacson na ang Senado, na inaasahang mag-aapruba ng budget bill sa ikatlong pagbasa sa darating na linggo, ay handang panatilihin ang transparency na ito sa bicameral conference committee.
“Sana ang Senado, we stand our ground. Sana ganun ang mangyari. Ang bicam bigayan din yan. Pero ang maganda ngayon ililimit namin kung ano sa Senate and House versions, yan ang paguusapan namin. At di pwede ang tago-tago, ila-livestream namin ang paguusap,” aniya.
Dagdag niya, ang ganitong transparency ay magtutulak ng pananagutan sa mga nagmumungkahi ng amendments, dahil ang mga item na lalabas na substandard o ghost ay madaling matutunton kung kanino galing.
“Sa oversight babantayan mo yan kasi ikaw nag-amend. pag-implement ng proyekto kailangan bantayan mo kung hindi pwede ka mabweltahan doon,” dagdag niya.
Umaasa rin si Lacson na madala na ang mga mambabatas matapos ang flood control scandal, lalo na ngayon na marami sa kanila ang nahaharap sa kaso o posibleng makulong dahil sa mga kuwestiyonableng proyekto.
Sa magkakahiwalay na panayam sa One News at DWAN noong Biyernes, sinabi ni Lacson na inalis ang “allocables” — ang itinuturing na bagong pork barrel — sa Senate version ng budget bill sa kabila ng ilang pagtutol.
Aniya, inalis din ng Senado ang “ayuda” at iba pang item na may bahid ng political patronage mula sa mga dapat pondohan sa unprogrammed appropriations.
Bilang matagal nang kritiko ng pork barrel system, inilarawan ni Lacson ang allocables bilang bagong anyo ng pork dahil nagbibigay ito ng pondo para sa mga proyektong hindi pa man nakikilala — na nagbubukas ng pinto sa pang-aabuso tulad ng rigged bidding pabor sa ilang manlalaro.
Ibinunyag din niya na habang tinatalakay ang budget measure, may natanggap na impormasyon ang Senate majority bloc na ilang mambabatas — kasama na ang ilang senador — ay iginigiit ang kanilang “individual amendments.”
Ngunit naresolba ito matapos aprubahan ng mga senador ang budget bill — na wala nang allocables — sa second reading noong Disyembre 4. Inaasahan itong maaprubahan sa third reading ngayong linggo.
“Nasa reform mode na nga tayo, tapos meron pa ring ganyan. Parang parinig na kung ano meron sa House, dapat meron din tayo. E di maganda pakinggan yan,” aniya sa One News, habang inaalala ang naging pag-uusap nila ng iba pang Senate leaders.
Aniya, kung nagpatuloy ang “gusot,” mananawagan siya sa majority bloc upang suportahan si Gatchalian sa botohan sakaling umabot doon.
