Automatic subsidy grant sa high school graduates mula 4Ps, isinusulong sa Senado
Ni Ernie Reyes
Sumalang na sa plenaryo ng Senado ang isang panukalang batas na gawing automatic na kwalipikado sa Tertiary Education Subsidy (TES) ang high school graduates mula sa pamilyang bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Inihayag ito ni Senador Sherwin ‘Win”Gatchalian” bilang suporta sa pagpapalawak ng tulong sa lahat ng mga mas nangangailangang mag-aaral tulad ng pamilyang sakop ng 4Ps.
Nakasaad sa panukalang Senate Bill No. 1894 na amyendahan ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act o batas para sa libreng kolehiyo.
Maliban sa awtomatikong kwalipikasyon sa TES para mga high school graduates mula 4Ps, isinusulong din ng panukalang batas ang monitoring at quality assurance para sa pagpapatupad ng programa.
Gagawin ito upang matiyak na matatanggap ng mga kwalipikadong benepisyaryo ang TES grants.
Naaayon ang panukalang batas sa special provision na iminungkahi ni Gatchalian para sa national budget ng 2024 at 2025, kung saan tinutukan ang pagbaba ng porsyento ng mga TES beneficiaries mula sa mga nangangailangang pamilya.
Naging bahagi ng 2024 at 2025 national budget ang panukala ni Gatchalian upang matiyak na ang mga mag-aaral mula sa mga pamilyang nasa ilalim ng 4Ps ay mabibigyang prayoridad talaga bilang mga benepisyaryo ng TES.

“Habang pinatitibay natin ang libreng kolehiyo, titiyakin nating prayoridad ang mga tunay na nangangailangang estudyante bilang mga benepisyaryo ng TES. Dapat masigurong tuloy-tuloy ang edukasyon nila,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.
