MGA PASAHERO NG VICTORY LINER, MAY BAGONG TERMINAL: ISANG MODERNONG LIFESTYLE HUB SA CALOOCAN
Ni Ed Tan
KALOOCAN CITY | Sa gitna ng patuloy na paghahanap ng publiko ng mas maayos at komportableng opsyon sa pagbiyahe, nag-aanunsiyo ang Victory Liner Inc. ng isang makabagong proyekto na magbabago sa karanasan ng milyon-milyong pasahero nito sa Hilagang Luzon: ang pagtatayo ng kanilang unang Integrated Transport and Lifestyle Hub sa lungsod ng Caloocan.
Kamakailan ay nagkaroon ng ground breaking sa nasabing proyekto na dinaluhan ng mga executives ng VLI at ng MMDA Acting Chairman. Nakatakdang simulan ang konstruksyon ng naturang proyekto sa lalong madaling panahon at target matapos at bubuksan sa publiko sa Marso 2028. Ito ay itatayo sa isang estratehikong lokasyon sa Caloocan, na nagsisilbing pintuan patungo sa mga lalawigan sa Hilaga at Gitnang Luzon.
Bukod sa karaniwang pasilidad ng isang transportation hub, Ang 41,117 metro kwadradong development ay magkakaroon ng 50 bus ways, at fully air-conditioned na waiting area. Magtatampok rin ang hub na ito ng mga modernong ameneties na magiging sentro ng gawain at libangan. Kabilang dito ang co-working spaces na may maasahang bilis ng internet para sa mga digital nomad at propesyonal na byahero, isang curated retail area para sa mga produktong local at pang pasahero, isang diverse food hall na maghahain ng mga pagkaing mula sa mga sikat na brand at tradisyunal na lutuing pinoy.
Para sa mga biyaherong nagmamaneho ng sariling sasakyan, magkakaroon ito ng mas malawak at mas organisadong parking area. Isinusulong din ng kumpanya ang pagsasama ng charging stations para sa electric vehicles at energy-efficient na mga sistema sa buong hub bilang bahagi ng kanilang pangako sa sustainable operation.
Ang pagsulong na ito ay nakakuha ng direktang pag-endorso mula sa isa sa mga pangunahing ahensya sa transportasyon sa bansa. Sa isang pahayag, binigyang-papuri ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman Atty. Don Artes ang proyekto at binigyang-diin ang potensyal nitong makatulong sa mas malawak na sistema ng transportasyon sa Kalakhang Maynila.
“Ang ganitong uri ng integrated at multi-purpose hub ay isang malaking hakbang pasulong. Hindi lamang ito magpapaganda ng karanasan ng mga commuter, ngunit makatutulong din sa pag-optimize at pag-decongest ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing ruta papasok at palabas ng Maynila,” pahayag ni Chairman Artes.
“Ito ay isang modelo ng public-private synergy na dapat tularan, kung saan ang pribadong sektor ay namumuhunan sa mga pasilidad na direktang naglulunas sa hamon ng transportasyon at nag-aangat ng kalidad ng serbisyo para sa lahat,” dagdag pa nito.
Inaasahang magiging isang landmark transport facility ang Victory Liner Integrated Transport and Lifestyle Hub. Sa pagbibigay-diin nito sa kaginhawaan, teknolohiya, at sustainability, layunin ng proyektong itakda ang isang bagong pamantayan para sa hinaharap ng inter-city travel at magsilbing blueprint para sa mga katulad na pag-unlad sa buong bansa.

