5 CABINET SECRETARIES MAY PORK BARREL SA 2025 NATIONAL BUDGET – LACSON
Ni Ernie Reyes
Hindi na siguro nakapagtataka sakaling magbitiw ang halos karamihan sa miyembro ng Independent Commission for Investigation (ICI) na binuo upang imbestigahan ang multi-bilyong anomalya sa flood control projects.
Nitong Sabado, ibinulgar ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson na hindi bababa sa limang Cabinet secretaries at ilang undersecretaries ang may bilyon-bilyong pisong allocables at/o non-allocables sa 2025 budget base.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na nakapaloob ang impormasyon sa dokumento mula sa kampo ng yumaong Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral at sa mismong DPWH, ayon kay Lacson nitong Sabado.
Itinuturing na pangunahing susi si Cabral upang matukoy ang lahat ng sangkot sa anomalya na kinabibilangan ng ilang senador, kongresista, opisyal ng pamahalaan at pribadong sektor ngunit natabunan sa hukay ang kanyang testimonya matapos itong magpakamatay sa gilid ng Kennon Road sa Baguio City.
Ani Lacson, kabilang dito ang isang tinukoy na “ES” na may P8.3 bilyon, at si dating DPWH Sec. Manuel Bonoan, na nakakuha ng P30.5 bilyon na allocables para sa 2025 lamang.
“At least five. Tapos may undersecretaries. Nagulat din ako, isang nakalagay doon, ‘ES, P8 billion.’ Paano magkaroon ng allocable ang ‘ES’?” ani Lacson sa panayam sa radyo.

“Kay Sec. Bonoan, nakita ko ang kanyang allocables isang P5 billion, tapos may Batches 1-3 na nakakahalaga ng P25.5B – P10B, P8B, at P7.5B. Umaabot na siya ng P30.5 billion. Anong karapatan niya magkaroon ng allocables? Tapos meron ding Cabinet secretaries na meron ding tig-P2 billion. Bakit?” dagdag niya.
Ani Lacson, may bilyon-bilyong halaga ng allocable din para sa House leadership at sa ilang party-list group.
Dagdag niya, hindi pa tiyak sa ngayon kung may matatanggap pang pondo ang mga Cabinet member mula sa iba pang ahensya sa 2025 budget.
Ibinunyag din ni Lacson na hindi bababa sa isang Cabinet member na bukod kay Bonoan ang nakinabang sa kickback, batay sa pahayag ng dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na naghatid ng pera sa nasabing opisyal.
“Aside from Bonoan, at least one more Cabinet member meron siyang binigyan,” ani Lacson, at idinagdag na maaaring ipatawag ang naturang opisyal sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kapag napatunayan na ang mga kaugnay na dokumento.
Sinabi rin niya na maaaring ipatawag ang mga Cabinet secretary sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa mga maanomalyang flood control project kapag na-authenticate na ang mga dokumento, kabilang ang mga Special Allotment Release Order (SARO) na may petsang Disyembre 27, 2024.
Ayon kay Lacson, ang mga dokumentong kanyang natanggap mula sa kampo ni Cabral ay nagpapakita na ang mga SARO ay may kinalaman sa pagpapalabas ng P50 bilyon na unprogrammed appropriations, kung saan P30 bilyon ay inilaan sa flood control projects — at marami sa mga ito ang napatunayang ghost projects.
Ikinuwento ni Lacson na matapos siyang banggitin ni dating Undersecretary Roberto Bernardo sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee noong Nobyembre 14, ay nakipag-ugnayan sa kanya si Cabral at nagpahayag ng kahandaang magsabi ng lahat, subalit pumanaw ito noong unang bahagi ng buwang ito.
Gayunman, sinabi ni Lacson na maaari nilang ipa-authenticate ang mga dokumento sa officer-in-charge ng DBM na si Rolando Toledo o sa DPWH mismo.
Ayon kay Lacson, ipinahiwatig ni Cabral bago siya pumanaw na handa siyang tumestigo hinggil sa mga SARO.
“Ang pinagbabasehan ko lang ang hawak bigay sa akin ng lawyer ni Usec Cabral at ibang documents nakuha ko sa DPWH. Pwede ko pa-authenticate sa kanila yan,” ani Lacson.
“Bakit magkaroon ng allocable ang Cabinet secretary? Pag allocable, patungkol ito sa mambabatas na naghihiling ng proyekto na hindi rin dapat para sa akin… Ang NEP is exclusive domain ng executive branch,” dagdag niya.
Palasyo Dapat Umiwas sa Persepsiyon ng Piling Pagpapatupad ng Batas sa Gitna ng Mababang Trust Ratings
Samantala, iginiit ni Lacson na dapat iwasan ng Malacañang ang perception na namimili lamang ito kung sino ang iimbestigahan o uusigin kaugnay ng mga maanomalyang proyektong pang-imprastraktura, lalo na sa harap ng mababang trust ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bagama’t nauunawaan niya ang sitwasyon ng Pangulo, iginiit ni Lacson na kailangang ipakita ng administrasyon na hindi ito namimili sa paglaban sa korupsiyon.
Dagdag ni Lacson, hindi bababa sa dalawang ambassador na bumisita sa kanya kamakailan ay diretsahang nagtanong tungkol sa kanyang pananaw sa isyu ng korupsiyon.
“Isang common question tungkol sa corruption. Di ba nakakalungkot yan, ang dating courtesy call ng amba di yan pinaguusapan. More on security West Philippine Sea and politics. Pero ito one common question talagang nag-stick out. What can you say about corruption in your country. Ganoon ka diretso ang tanong. Nakakahiya,” ani Lacson.
“Para maging selective sa pag-prosecute, yan ang masama, yan ang hindi makakabuti sa bayan,” dagdag niya. “Dapat talaga maituloy tuloy ang investigation, makulong ang dapat makulong.”
