HOUSE RES. No. 636, INIUTOS NI REP. MIRO QUIMBO
Ni Buboi Patriarca
Sa pamamagitan ng House Resolution No. 636, iniutos ni Rep. Quimbo—na siya ring Chairperson ng House Committee on Ways and Means—ang pagsasagawa ng imbestigasyon, in aid of legislation, sa patuloy na paglaganap ng ilegal na sigarilyo at epekto nito sa kita ng gobyerno at kalusugan ng publiko.
Binigyang-diin ng mambabatas ang pagkakasabat ng 32 truck ng mga hinihinalang smuggled na sigarilyo noong Enero 1, 2026, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P2.6 bilyon. Ang operasyon ay isinagawa ng Philippine National Police sa magkahiwalay na lugar sa Batangas at Malabon.
Ayon kay Quimbo, ang nasabing shipment ay katumbas ng P875.16 milyong buwis na hindi nakolekta ng pamahalaan base sa 2026 tax rate—patunay aniya na nananatiling malubha ang problema sa organized cigarette smuggling.
Dagdag pa niya, noong 2023, tinatayang P25.5 bilyon na excise taxes ang nawala sa gobyerno dahil sa ilegal na kalakalan ng sigarilyo, batay sa datos ng Bureau of Internal Revenue
“Kung hindi napipigilan ang malakihang smuggling, bumabagsak ang presyo ng sigarilyo. Nawawala ang bisa ng sin tax, mas nagiging accessible ang bisyo sa kabataan at mahihirap, at patuloy na nawawalan ng pondo ang gobyerno para sa mga programang pangkalusugan tulad ng PhilHealth,” ayon kay Rep. Quimbo.
Layunin ng imbestigasyon na suriin ang kasalukuyang enforcement mechanisms, koordinasyon ng mga ahensya, at bigat ng parusa laban sa smugglers—kung sapat pa bang panlaban sa lumalaking ilegal na operasyon.
Ani Quimbo, bagama’t kapuri-puri ang mga nakaraang operasyon ng law enforcement, malinaw na kailangan ng mas matibay at sistematikong reporma upang tuluyang mapigil ang tobacco smuggling, maprotektahan ang kita ng bayan, at matiyak ang kalusugan ng publiko.

