ANTI-POLITICAL DYNASTY LAW, PINAMAMADALI NI PANGILINAN: ‘UTOS NG 1987 CONSTI’

Ni Ernie Reyes

Nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa Kongreso na madaliin ang deliberasyon at pagsasabatas ng Anti-Political Dynasty Bill upang maputol ang pamamayagpag ng dinastiyang pulitikal na komokontrol sa pamamahala.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na sa ika-2 ng Pebrero, mag-39 years old na ang 1987 Constitution na nagsasabing “bawal” ang dinastiyang pulitikal kaya’t kailangan maipasa kaagad ng Kongreso ang enabling law upang maisakatuparan ang adhikain ng Karta.

“Pero sa halos apat na dekada, dinededma lang ang maliwanag na utos nito na ipagbawal ang mga dinastiyang politikal,” ayon kay Pangilinan.

Aniya, noong LEDAC noong Disyembre, isinama ng Pangulo ang Anti-Political Dynasty Law sa priority ng kanyang administrasyon ngayong taon. 

“Kasama ng pagtutol laban sa kurakot, napakalakas ng sigaw ng bayan: FOBI (fear of being included) sa poverty line. Napakalinaw rin ng datos sa mga pag-aaral na nagsasabing kung saan pinakamalalakas ang dinastiyang politikal, pinakamalalalim ang karukhaan. Wala nang palusot ang lulusot sa patuloy na pagkakaantala ng batas,” aniya.

Giit pa ng senado na “Kulang na lang ang aksyon.”

“We thus respectfully call on the Senate leadership to start ASAP hearings on the filed anti-dynasty bills of Senators Risa Hontiveros, Ping Lacson, Robin Padilla, Bam Aquino, JV Ejercito, and myself,” hirit ng senador.

“Ito na ang panahong patunayan na seryoso tayo na gusto nating maging paldo ang bansa. Na ang susunod na Pangulo, hindi kabilang ng political dynasty. Dahil kung walang political dynasties, walang mahirap. Nakamasid ang taumbayan, at ‘di na bebenta ang muling pagpapaliban pa,” aniya pa.