BONOAN, NAGBIGAY NG PEKENG DATOS KAY BBM SA GHOST FLOOD CONTROL PROJECTS – Lacson

Ni Ernie Reyes

Sinadyang magbigay ng maling datos  si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr hinggil sa mga guniguning flood control project  upang iligaw ang imbestigasyon sa isyu, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson kamakailan.

Binanggit ni Lacson ang “reliable information” na nakarating sa kanya na nagpapakitang ang ibinigay na datos ay humantong sa maling grid coordinates ng libu-libong flood control project sa buong bansa.

“I received reliable information that former DPWH Secretary Manuel Bonoan deliberately submitted to Malacañang incorrect grid coordinates of thousands of flood control projects all over the country, which formed part of the Sumbong sa Pangulo website. This resulted in grossly inaccurate data involving some 421 ghost projects on previously inspected flood control projects earlier reported to the public by the said department and which they are now trying to rectify by comparing the records in their multi-year planning and scheduling or MYPS, Project and Contract Management Application or PCMA, and other related documents that remain intact and in the possession of the Department,” aniya sa Kapihan sa Senado forum.

“Kahit sabihing hindi siya principal, sa cover-up pa lang kitang kita ang kanyang complicity,” dagdag niya.

Hindi isinasantabi ni Lacson ang posibilidad na ginawa ito ni Bonoan — na ayon sa testimonya ng dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ay tumanggap umano ng bilyon-bilyong piso sa kickback kaugnay ng mga proyektong pang-imprastraktura — upang pahinain o sirain ang kredibilidad ng pagsisikap ng gobyerno na matukoy ang ugat ng katiwalian sa mga maanomalyang flood control project.

“Niligaw niya para ma-weaken o masira ang credibility na may ghost flood control projects… Pag pumalpak ka… (iisipin ng tao na) wala ang Sumbong sa Pangulo website, di reliable yan,” ani Lacson.

Dagdag niya, maaaring ito rin ang dahilan kung bakit una nang kinuwestiyon ni Bonoan ang datos sa hindi bababa sa isang ghost flood control project sa Mindoro sa kanyang unang privilege speech hinggil sa usapin noong nakaraang taon.

“Kaya pala sinasabi niyang grid coordinates mali, sa utak niya alam niyang minali niya,” aniya – nguni’t hindi alam ni Bonoan na ginamit ni Lacson at ng staff niya ang iba’t ibang sources sa paghanap at pag-identify sa mga ghost flood control projects na binanggit niya sa mga privilege speech niya.

Ayon kay Lacson, layon ng Senate Blue Ribbon Committee na kanyang pinamumunuan na alamin ang buong katotohanan sa susunod nitong pagdinig sa Lunes, Enero 19, sa pamamagitan ng pag-subpoena ng mga dokumento ng DPWH, kabilang ang mga iniwan ng yumaong Undersecretary Cabral bago siya pumanaw.

Dagdag ni Lacson, magpapadala si DPWH Secretary Vince Dizon ng dalawang undersecretary upang tumestigo sa usapin at dalhin ang mga kaugnay na dokumento.

Ani Lacson, isa si Bonoan sa mga personalidad na ipapatawag ng Blue Ribbon Committee sa pagdinig sa Enero 19. Kapag muli siyang nabigong humarap, maaari siyang sipain sa contempt ng komite at maglabas ng warrant of legislative arrest laban sa kanya.

Kung mangyari ito, sinabi ni Lacson na makikipag-ugnayan ang komite kay Philippine Ambassador to the US Jose “Babe” Romualdez upang makipagkoordina sa mga awtoridad ng Estados Unidos para ma-deport si Bonoan sa Pilipinas.

“Mag-e-expire ang stay niya, he cannot stay there forever. The longest stay sa US is 6 months. Kung lalampas siya doon magiging unauthorized ang stay niya… kung hindi extradition, deportation ang mangyayari,” aniya.

Torre Custody Bid?

Balak ng Blue Ribbon Committee na linawin kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ang mga pangyayari sa likod ng bigong tangkang ilagay si Bernardo sa kustodiya ni dating PNP chief at kasalukuyang MMDA General Manager Nicolas Torre III, “and find out for what purpose.”

Ayon kay Lacson, nangyari ito bago ang ikatlong pagharap ni Bernardo, kung saan nalaman ni Bernardo na handa umano siyang bigyan ni Torre ng “sanctuary,” ngunit hindi niya nais na mapasailalim sa kustodiya nito. Sa panahong iyon, hindi pa MMDA General Manager si Torre.

“It is still a big wonder sa akin bakit napasok sa scene si Gen. Torre,” ani Lacson.

Dagdag pa ni Lacson, hihingi rin ang Blue Ribbon Committee ng karagdagang paglilinaw mula sa BGC Boys kaugnay ng mga ulat na binawi o plano nilang bawiin ang kanilang mga testimonya sa harap ng komite o ng alinmang iba pang nag-iimbestigang katawan.