‘Hoodlums in robes,’ pinababantayan ni Pangilinan sa publiko: ‘Mas malawak pa sa Judiciary’
Ni Ernie Reyes
Mas malawak pa ang corruption sa Judiciary kaysa sa katiwalian sa Kongreso at Senado na sangkot sa budget insertions dahil maraming hukom at opisyal ng Hudikatura ng tiwali kaya walang napaparusahang pulitiko at opisyal ng gobyerno.
Ganito ang pagtataya ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa sistema ng Hudikatura sa bansa kaya’t nanawagan ang abogadong mambabatas na bantayan ang sinasabing “hoodlums in robes.”
Iginiit ni Pangilinan, chairman ng Senate committee on justice and human rights, na makakaligtas ang sinumang opisyal na managot sa batas kung maging mismong hukom na humahawak ng kasong katiwalian ang mismong tumatanggap ng lagay.

“This is not just a corruption issue. This is also a judiciary system justice issue. Mas malawak pa nga. Totoo may mga abusadong pulitiko, pero bakit hindi napaparusahan? Andiyan din ang pananagutan ng hudikatura,” ani Pangilinan sa panayam.
Binanggit din ni Pangilinan na marami nang pulitikong sangkot sa anomalya tulad ng pork barrel scandal ni Jannet Napoles na pawang nakalaya at nahalal pa bilang senador tulad nina dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., na pinagpapasoli ng P125 milyon na ninakaw sa pork barrel.
Kabilang sa nahalal si Senador Jinggoy Estrada na nakalaya sa administrasyong Duterte kahit matibay ang ebidensiya sa kasong plunder. Isinangkot din si Estrada sa maanomalyang flood control projects kasama sina Revilla at Senador Joel Villanueva.
“Lahat tayo galit sa kurakot na pulitiko. Lahat tayo galit sa kurakot na public works pero nung inabswelto yung ilang mga nakasuhan ng plunder dati, para wala tayong galit sa mga mahistrado kasi ang puno’t dulo nito ay sa huwes mapupunta lahat ito. So, dapat bantayan natin,” aniya.
Nilinaw naman ni Pangilinan na wala siyang layunin na maliitin ang miyembro ng Hudikatura kaya’t nanawagan ang senador na bantayan ang pagkilos ng hukom at korte sa buong bansa.
“Nung mga nakaraang mga absweltong kaso, sino ba yung mga huwes na iyon? Bakit hindi sila kilala? Bakit walang pangalan?,” tanongni Pangilinan.
“Pag pulitiko, kapag nasa public works, kilalang kilala, pero yung mga nagaabswelto sa mga hudikatura, hindi natin alam. So, dapat talaga maging vigilant ang ating mga kababayan at ang media sa hudikatura. Maging mapagbantay,” dagdag ni Pangilinan base sa pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, na talamak ang korapsiyon sa Hudikatura.
Dahil dito, hiniling ni Pangilinan sa Supreme Court na panagutin ang sinumang corrupt at abusadong miyembro ng Hudikatura sa pagdismis sa kanila na magiging hudyat na hindi kinokunsinti ang pang-aabuso sa kapangyarihan.
Naghain si Pangilinan ng panukalang Congressional Commission on the State of the Philippine Justice System upang magsagawa ng pagsusuri at tugunan ang kakaulangan sa justice system ng Pilipinas.
