AFP modernization, bibilis sa probisyon ng pangungutang sa GAA – Gatchalian

Ni Ernie Reyes

Naniniwala si Senador Sherwin “Win” Gatchalian na mapapabilis ang implementasyon ng modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung gagamitin ng Department of National Defense (DND) ang isang probisyon sa General Appropriations Act (GAA) sa pangungutang.

Sa pahayag, hinimok ni Gatchalian ang DND na samantalahin ang isang probisyon sa GAA na nagbibigay pahintulot sa gobyerno na mangutang upang  mapabilis ang programa sa modernisasyon ng AFP.

Bilang chairperson ng Senate Finance Committee, isinulong ni Gatchalian ang probisyong ito upang mapanatili ng pamahalaan ang isang matibay na depensa sa pamamagitan ng mga makabagong kagamitang pang militar at mga surveillance technologies.

“Sa kauna-unahang pagkakataon, mangyayari ito at maraming gustong magpahiram sa atin,” ani Gatchalian.

Dagdag niya, ang South Korea nga raw ay nagpahayag ng kahandaang magbigay ng mas mababang interes para pautangin ang Pilipinas na gagamitin sa pag-upgrade ng mga kagamitan at pasilidad ng militar.

“Bagama’t pinapayagan na ngayon ang gobyerno na mangutang para sa modernisasyon ng AFP, ang pangungutang ay may limitasyon at dapat na maingat na pamahalaan ito alinsunod sa ating medium-term fiscal framework,” sabi pa ng senador. 

“Hindi dapat malimitahan ng mga suliranin sa national budget ang ating pambansang seguridad. Kailangan nating bigyan ang sektor ng depensa ng sapat na kakayahang pinansyal upang makakuha ng mga kritikal na kagamitang pang militar,” punto ni Gatchalian.

Nangako rin ang mambabatas na susuportahan ang anumang batas na magpapabilis sa pagbuo ng bagong panukala para sa modernisasyon ng AFP, lalo’t nakatakda nang mapaso ang kasalukuyang programa sa susunod na taon.