VOUCHER PROGRAM SA PRIVATE SCHOOLS PARA SA KINDER AT GRADE 6, ISINUSULONG NI GATCHALIAN

Ni Ernie Reyes

Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagpapalawak ng voucher program upang saklawin ang mag-aaral sa Kindergarten at Grade 6 na nasa pribadong paaralan. 

Sa ilalim ng mungkahi ni Gatchalian, isang voucher system na lamang ang ipapatupad sa pag-aabot ng tulong pinansyal sa mag-aaral sa pribadong paaralan.

Nais ding tiyakin ni Gatchalian na sa ilalim ng magiging bagong sistema, mababawasan ang siksikan sa mga pampublikong paaralan. 

“Tutulong tayo sa pribadong paaralan, pero ang benepisyo dapat diretso sa mga estudyanteng higit na nangangailangan,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.

Sa ilalim ng panukalang batas ni Gatchalian, bibigyang prayoridad ang mga mag-aaral na higit na nangangailangan, kabilang ang mga nagtapos ng Alternative Learning System (ALS).

Sa paghahain ng Government Assistance to Private Basic Education Act (Senate Bill No.

364), nais ni Gatchalian na matugunan ang mga pagkukulang sa pagpapatupad ng mga programa sa ilalim ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE), kabilang ang  Senior High School Voucher Program (SHS-VP) at Educational Service Contracting (ESC). 

Sa ilalim ng 19th Congress, pinangunahan ni Gatchalian ang pag-repaso sa GASTPE, kung saan lumabas na bilyong bilyong piso ang napunta sa mga benepisyaryo ng SHS-VP at ESC na mula sa mga non-poor households. Pinuna rin ng naturang pagrepaso ang pagkakaroon ng ghost students sa SHS-VP.