BANTA SA LIDERATO SA SENADO, ISANG ‘CONTINUING CRIME,’ NOON PA- Lacson
Ni Ernie Reyes
Itinuturing ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson na isang “continuing crime” ang banta sa liderato ng Senado na umiiral noon pang unang panahon ng Lehislatura sa Pilipinas.
Sa pahayag, ipinunto ito ni Lacson matapos kumalat sa social media nitong weekends ang nagpapahiwatig ng ganitong pagbabago, na nag-ugat sa “kawalan ng kasiyahan” sa pamunuan ni Senate President Vicente Sotto III.

“An emerging threat to the Senate leadership? Let’s put it this way – like rebellion, the threat against the Senate presidency is a ‘continuing crime’ since time immemorial,” ani Lacson sa X.
Noong weekend, may mga post sa social media na nagsasabing magkakaroon ng pagbabago sa pamunuan ng Senado, kung saan may ilan umano sa mayorya ang lilipat ng panig.
Noong Oktubre ng nakaraang taon, ibinasura ni Lacson ang mga kahalintulad na usapan bilang isang “old rehashed psywar tactic” na layuning “magdulot ng kalituhan at maghasik ng intriga” sa hanay ng mga kasapi ng mayorya.
