PHILHEALTH MEMBERS, PUWEDE NA SA PAY WARD NG DOH HOSPITALS – Cayetano
Ni Ernie Reyes
Pinapayagan na ang admission ng miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pay ward ng pagamutan na kontrolado at pinatatakbo ng Department of Health (DOH), ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Sa pahayag, lubos na ikinatuwa ni Cayetano ang hakbang na payagan ang miyembro ng PhilHealth na ma-admit sa bakanteng pay ward bed sa pampublikong ospital, lalo na kung puno na ang basic ward.
Ayon kay Cayetano, positibo ang hakbang dahil matagal na itong dapat pinapayagan sa ilalim ng umiiral na mga patakaran.
“Sometimes the problem is not the absence of a new policy, but the failure to use what is already allowed,” wika niya.
Noong nakaraang taon, binanggit na rin ni Cayetano sa pagtalakay sa 2026 budget ng Department of Health ang isyu kung paano pinamamahalaan ng mga pampublikong ospital ang kanilang mga kama, lalo na kapag puno at siksikan ang mga pasyente.
Sa pagdinig ng budget, tinanong ni Cayetano si Health Secretary Teodoro Herbosa tungkol sa mga pagkakataong may bakanteng pay ward bed kahit puno na ang basic ward, lalo na sa malalaking pampublikong ospital.
“If you go to PGH or any other government hospital at puno ang basic ward, ano ang remedy ng pasyente? Kung may bakante na pay ward, hindi ba pwedeng gamitin iyon?” tanong ng senador.
Sagot ni Herbosa, maaaring ilipat ang mga pasyente sa pay ward kung may bakante, lalo na kapag may siksikan. Gayunman, sinabi niya na nakadepende ito sa patakaran ng bawat ospital.
“Pwede. We can actually allocate to pay ward and get a patient there lalo na kung bakante siya,” sabi ni Herbosa sabay amin na may iilang mga ospital na gumagawa nito.
Nang tanungin ni Cayetano kung pare-pareho ba itong ipinatutupad sa lahat ng pampublikong ospital, inamin ni Herbosa na magkakaiba ang sistema ng mga ospital at bukas siya sa pag-aayos o pag-formalize ng ganitong kaayusan.
Binigyang diin ni Cayetano na mahalagang magamit nang maayos ang lahat ng available na resources sa mga ospital, lalo na kapag puno ang mga ward.
Aniya, kung maipapatupad nang tama ang mga umiiral na patakaran, mas mababawasan ang siksikan at mas mabibigyan ng agarang serbisyo ang mga pasyente.

“All Filipinos deserve the best social services. We must make better use of available facilities so patients are accommodated promptly and not left waiting for care. We want to make sure that no Filipino is left behind when it comes to health care,” aniya.
