Batas vs illegal online gambling, hihigpitan pa ng Senado – Gatchalian

Ni Ernie Reyes

Itinutulak ni Senador Win Gatchalian ang mas matapang na aksyong lehislatibo upang sugpuin ang paglaganap ng iligal na pagsusugal sa online platform lalo na’t hindi magkamayaw ang mga hindi lisensyadong betting sites sa pag-akit sa milyung-milyong Pilipino tungo sa adiksyon. 

“Parang kabute ang mga ito – kahit ma-block ngayon, bukas andyan na naman. Walang katapusan. Dapat putulin na ang ugat. Bukod sa pagba-block, ano na ang mga hakbag na nagawa ninyo para matigil ito?” tanong ni Gatchalian sa Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC) sa isang pagdinig sa Senado kamakailan. 

Ayon sa CICC, nakapag-block na sila ng average na 50 libong online gambling sites, kung saan 95–97% ay nag-o-operate mula sa labas ng bansa.

 Ipinaliwanag ng mga awtoridad na ang access lamang sa loob ng hurisdiksyon ng Pilipinas ang maaari nilang i-block, kaya imposible ang ganap na pagpapasara sa mga ito na isang pangunahing hamon sa pagpapatupad ng batas laban sa mga cross-border operation. 

Bilang tugon sa panawagan ng senador para sa mga panukalang lehislatibo, inirekomenda ni CICC Executive Director Renato Paraiso ang pagtatalaga ng mga cyber diplomat upang palakasin ang pandaigdigang kooperasyon sa cybersecurity.

Sinabi niya na ang Pilipinas na lamang ang bansang hindi pa nagtatalaga ng mga naturang opisyal.

Sinabi rin niya na maaaring palawakin ng bansa ang mga mutual legal assistance treaties (MLATs) upang masakop ang mga cybercrime, dahil ang mga kasalukuyang kasunduan ay tumutugon lamang sa mga tradisyonal na krimen.

Noong nakaraang taon, inihain ni Gatchalian ang Online Gambling Regulatory Act na naglalayong bumuo ng isang mahigpit na regulatory framework para sa online gambling sa halip na magpatupad ng kabuuang pagbabawal na maaaring magtulak sa mga operasyon na magpatuloy nang patago.