‘Unfinished revolution’ ng EDSA People Power 1, matutupad sa pagkakaisa – Bam
Ni Ernie Reyes
Apat na dekada matapos ang EDSA People Power 1, iginiit ni Senador Bam Aquino na nananatiling isang “unfinished revolution” ang makasaysayang mapayapang rebolusyon, at binigyang-diin na mahalaga ang pagkakaisa sa pagtugon sa matitinding suliranin tulad ng korapsyon, abuso sa kapangyarihan, at hindi pagkakapantay-pantay.
Sa kanyang talumpati sa “Prayer Power sa EDSA” bilang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power 1, binigyang-diin ni Aquino ang kahalagahan ng patuloy na pag-alala sa makasaysayang pangyayaring ito sa kabila ng patuloy na mga hamon tulad ng kahirapan, gutom, at katiwalian sa bansa.
“Ang rebolusyon na nakita natin noon, hindi pa siya tapos. Hindi pa siya kumpleto. Hindi pa siya ganap,” diin ni Aquino.
“Kailangan pa pong tapusin ang kwento. Kailangan pa pong kumpletuhin ang rebolusyon. Kailangan pa pong makita ang mga pangako ng EDSA at kung forty years kailangan, forty years po ang tatahakin natin para makumpleto ang mga po ‘yan,” dagdag niya.
Inihalintulad niya ang paglalakbay ng bansa sa kuwento ng mga Israelita na naglakbay sa ilang sa loob ng 40 taon bago marating ang Lupang Pangako, kasabay ng pagsasabing hindi dapat mawala sa direksyon ang mga Pilipino o makalimutan ang diwang nagbuklod sa bayan noong 1986.

“Forty years na po ang lumipas, panahon na po na mahanap natin ang lupang pangako. Panahon na po na buuin natin at kumpletuhin natin ang istorya ng EDSA,” aniya.
Ipinaalala rin ni Aquino ang “superpower” ng mga Pilipino — ang kakayahang magkaisa, magsakripisyo, at unahin ang bayan kaysa sa sarili — upang malampasan ang kasalukuyang mabibigat na hamon ng bansa.
“Ang mga Pilipino, may kakayahang magsama-sama, may kakayahang magkaisa, may kakayahang magbigay ng sarili at iuna ang bayan kaysa sa sarili natin. May kakayahan po tayo niyan at kailangan po nating hanapin muli iyong katapangan, hanapin muli iyong kabayanihan na alam natin na nandiyan sa ating mga tiyan,” wika niya.
Tulad ng mga Israelita na umasa sa susunod na henerasyon upang tuluyang marating ang Lupang Pangako, nagpahayag ng pag-asa si Aquino na ang kabataan ngayon ang gaganap ng mahalagang papel sa pagtupad sa pangako ng EDSA.
“Ngayon po na nandito tayo ngayon, ang kabataan na naman ang lumaban. Ang kabataan na naman ang pinakamalakas ang boses kapag may katiwalaan sa ating gobyerno. Itong henerasyong po ito, ito po ang henerasyon na kumpleto ng pangako ng EDSA,” sabi pa niya.
Kinilala rin ni Aquino ang papel ng kabataan sa pagkondena sa flood control scandal, at sinabing sila ang nagpasimula ng online protests na humantong sa kauna-unahang Trillion Peso March noong Setyembre 21, 2025.
“Ang kabataan na naman po ang pinakamalakas ang boses kapag may katiwalaan sa ating gobyerno. Ang una nilang ginawa, hindi sa lansangan, doon po sa online. Doon po muna nagprotesta bago pumunta dito (EDSA) noong September 21. Nakita natin ang lakas, ang boses ng kabataan, ang henerasyon na siya ang talagang magkukumpleto ng pangako ng EDSA,” diin niya.
Binigyang-diin ni Aquino na ang EDSA Revolution ay hindi lamang para sa mga libro o bahagi lamang ng nakaraan ng bansa, kundi isang gabay at plano para sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino upang maiwasan ang mga pagkakamali ng nakaraan at mapaghandaan ang mga hamon ng hinaharap.
“Ang EDSA Revolution, hindi ‘yan isang bagay na para sa mga textbook at sa ating nakaraan kasaysayan. Ito po ay ang gabay at plano sa ating kinabukasan. Gamitin po natin ang nakita ho natin noon, kung paano natin tatahakin ang ating daan,” aniya.
Pinangunahan ni Aquino at ng Kaya Natin! Movement for Good Governance and Ethical Leadership (KN), kasama si Quezon City Mayor Joy Belmonte at ang Mayors for Good Governance, ang matagumpay na People Power 40 Kick-Off Concert sa Quezon Memorial Circle, na dinaluhan ng mahigit 20,000 katao — karamihan ay mga kabataan.
