TRILLIANES, PINABULAANAN ANG USD2-M ALEGASYON KAUGNAY NG ICC PROBE
Ni Nelle de San Jose
Mariing pinabulaanan ni dating Senator Antonio Trillanes IV ang kumakalat na alegasyong tumanggap umano siya ng USD2 milyon mula kay dating Cong. Zaldy Co upang pondohan ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang pahayag, iginiit ni Trillanes na wala umanong katotohanan ang paratang at isa lamang itong desperadong paraan para dungisan ang kanyang pangalan at posibleng makaapekto sa nagpapatuloy na kaso ng ICC laban kay Duterte.
“Buong tapang kong itinatanggi na nakatanggap ako ng USD2 milyon o anumang halaga mula kay Zaldy Co para sa ICC investigation o sa kahit anong layunin. Isa itong malinaw na pagtatangka na sirain ang kredibilidad ng ICC proceedings laban kay Duterte,” diin ng dating senador.

“I vehemently deny that I received USD2M or any amount from Zaldy Co for the ICC investigation or any other purpose. This is an attempt to discredit the ongoing ICC proceedings against Duterte.”
Dagdag pa ni Trillanes na hindi rin umano siya uurong sa laban.
Nagsimula ang kontrobersya kamakailan matapos ang isang press conference na ginanap sa Club Filipino kung saan lumutang ang 18 dating miyembro ng Philippine Marines na nagsabing personal umano silang naghatid ng milyon-milyong pera kay Trillanes kaugnay umano ng gastusin para sa ICC investigation.
Bunsod nito, inanunsiyo ng dating senador na magsasampa siya ng mga kasong cyberlibel laban sa naturang former 18 na sundalo, Atty. Levi Baligod, broadcaster Jay Sonza at sa iba pang nagpapakalat ng fake news o maling impormasyon tungkol sa kanya.
Samantala, patuloy ang tensyon habang isinasagawa ngayong sa kasalukuyan sa The Hague ang confirmation of charges hearing laban kay dating pangulong Duterte.
Matatandaang nahaharap si Duterte sa three counts of crimes against humanity kaugnay ng pagkamatay ng libu-libong indibidwal sa ilalim ng kanyang administrasyon at madugong kampanya laban sa droga.
