P805-B cash delivery ng 18 ex-military, hindi tugma sa katotohanan ng math – Lacson
Ni Ernie Reyes
Hindi nagsisinungaling ang math — at sa ngayon, hindi pa rin nagtutugma ang kuwento ng 18 dating sundalo na naghatid ng P805 bilyong cash sa ilang indibiduwal, ayon kay Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Lunes.
Sa pahayag, sinbi ni Lacson na nananatiling maingat at mapanuri, kung totoo ang lahat ng detalye ng salaysay ng 18 dating sundalo, aabutin umano hanggang kalagitnaan ng 2028 sa pinakamaaga bago matapos ang sinasabing paghahatid ng pera.
“Habang nag-uusap tayo ngayon, patuloy ang ginagawa nating pagfa-fact check. Kasi mahirap magtawag ng pagdinig kung lacking in believability ang sinasabi,” aniya sa panayam sa DZMM.
Binanggit ni Lacson ang “logistical nightmare” sa pagkuha ng P805 bilyon mula sa mga bangko o kontratista, pati na ang pagbibilang, pagre-repack, at pamamahagi nito sa mga tatanggap.
Ayon sa naging komputasyon ng yumaong Sen. Ramon Revilla Sr., ang P1 milyon ay tumitimbang ng isang kilo. Kung gayon, ang P805 bilyon ay katumbas ng 805 metriko tonelada. Idagdag pa rito ang bigat ng pinakamagaan na malalaking maleta na kayang maglaman ng tinatayang P60 milyon bawat isa—na may bigat na apat na kilo bawat maleta—maaabot ang kabuuang 858 metriko tonelada na kailangang ilipat at dalhin.
Sa kabilang banda, sinabi ni Lacson na kung ipagpapalagay na kayang iproseso ng mga sangkot ang P500 milyon bawat araw nang 24/7 — kabilang ang pagkuha, pagbibilang, pagbubuklod at paghahatid ng pera — aabutin ito ng lima at kalahating taon o hanggang kalagitnaan ng 2028 kung nagsimula noong 2023.
“E di hanggang ngayon nagde-deliver sila kung simula sila 2023,” aniya.
Tungkol naman kay dating Rep. Elizaldy “Zaldy” Co na umano’y nag-utos ng pamamahagi ng pera, kinuwestiyon ni Lacson kung may access ba si Co sa buong P805 bilyon, lalo’t may iba pang personalidad na umaming tumanggap at nagpadaloy ng kickback mula sa mga ghost project.
“Sa P805B na sinasabing delivered, ano ang natira kay Zaldy Co, zero? Messenger lang siya? So we’re talking here of trillions of pesos in kickbacks,” aniya.

“Doon pa lang mahirap ipaliwanag. Tayo pa lang mentally nagko-compute—papaniwalaan mo ba ito? Kung naging P80M lang ito mas believable. P805B sa isang tao lang? Ang kapangyarihan ng appropriations committee chairman ay nasa pagsisingit, pero sa implementation limited ang kanyang access,” dagdag niya.
‘Background check’
Sinabi ni Lacson na patuloy niyang sinusuri ang dahilan kung bakit maraming sa 18 dating sundalo ang na-dishonorably discharged. Bilang dating miyembro ng uniformed services, mahalaga ito sa kanya dahil ang dishonorable discharge ay dumaraan sa due process.
“Para ma-discharge dishonorably, may due process ‘yan. Anong klaseng administrative cases ang kinaharap nila? May kinalaman ba ito sa moral turpitude? Sa pag-abuso sa serbisyo? Grave misconduct? Importante malaman para ma-assess ang credibility ng source. Dalawang bagay ang tinitingnan natin—credibility ng source at credibility ng impormasyon,” aniya.
“Ang sinasabi ko sa mga kasamahan ko, lalo na sa majority, kapag sinimulan natin ito at mauwi lang tayo sa pag-cite ng contempt sa 18, lalabas pa tayong kontrabida na sinasabing inaapi sila. Paano kung magsisinungaling ang 18?” dagdag niya.
Sinabi rin ni Lacson na mahalagang mahanap sina Mark Ticsay at Paul Estrada, na binanggit bilang mga pinagkakatiwalaang tauhan umano ni Co.
‘Joyride’
Ayaw din ni Lacson na madamay ang Senate Blue Ribbon Committee sa isang “joyride,” lalo na kung sa pagsusuri pa lamang ay lumalabas nang hindi sapat ang kredibilidad ng mga alegasyon upang paglaanan ng pagdinig.
“Kasi 18 ito, kapag pina-appear natin doon baka maging circus. Parang nag-imbita tayo ng joyride. May sasakyan ka tapos may nag-hitch lang at nanggulo. Parang magiging kakatuwa naman kung gagawin nating platform ang Blue Ribbon Committee sa isang bagay na sa simula pa lang nakita na natin ang hindi nagkakatugma-tugma. Lacking in believability o incredible. Bakit tayo papatol kung ganoon?” aniya.
