ERC kinalampag ni Gatchalian sa ‘UTAY-UTAY’ NA PAGTAAS SA SINGIL NG KURYENTE

Ni Ernie Reyes

Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa Energy Regulatory Commission (ERC) na tiyaking ang anumang pagtaas sa singil sa kuryente ay ipatutupad nang pautay-utay o staggered basis upang maprotektahan ang mamimili laban sa biglaan at matinding financial distress. 

Binigyang-diin ni Gatchalian, na siyang vice-chairperson ng Senate Committee on Energy, na dapat bantayang mabuti ng ERC ang mga rate ng kuryente at ipagbawal ang mga biglaang malakihang dagdag-singil.

Dahil nahihirapan na nga ang mga konsyumer sa mataas na gastusin sa pang-araw araw, ang paunti-unting pagtaas sa singil sa kuryente sa loob ng ilang billing cycle ay makatutulong upang maibsan ang epekto nito, ayon sa senador.

“Ang sektor ng kuryente ay isang regulated industry, at hindi dapat payagan ng ERC ang ‘one-time, big-time’ na mga pagtaas sa singil sa kuryente. Ngayon ang pinakamasamang panahon para magtaas ng singil sa kuryente,” aniya.

Iginiit ni Gatchalian na dapat manatiling mapagmatyag ang ERC sa pagtiyak na walang hindi nararapat na pagtaas sa singil sa kuryente na maidaragdag sa pang-araw-araw na pinansyal na pasanin ng mga ordinaryong mamimili.

“Trabaho ng ERC na tumulong na pagaangin ang pasanin ng ating mga kababayan,” dagdag pa niya.

Bagama’t nalimitahan ang pakikialam ng gobyerno sa pagtatakda ng presyo ng kuryente sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001, sinabi ni Gatchalian na maaari pa ring mamagitan ang pamahalaan sakaling magkaroon ng kakulangan sa supply.