SENATE PROBE IKINASA ni Legarda vs PAGBAGSAK NG PRESYO NG SIBUYAS, IMPORT OVERLAP, COLD STORAGE MONOPOLY
Ni Ernie Reyes
Nagbabala si Senator Loren Legarda sa biglaang pagbagsak ng farm gate price ng sibuyas sa Nueva Ecija at Occidental Mindoro matapos bumulusok ang presyo mula P120–P150 kada kilo noong Enero 2026 hanggang P30–40 na lamang noong Pebrero 2026.
Dahil dito, nalalagay sa bingit ng pagkalugi ang mga magsasaka kahit nananatiling mataas ang presyo ng sibuyas sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Binigyang-diin ni Legarda na lalo pang nagpalala sa krisis ang maling oras ng pagdating ng imported na sibuyas, ang pagkapuno ng mga cold storage, at ang mga kahina-hinalang shipment sa Bulacan.
Aniya, malinaw nitong inilantad ang malalim na problema sa supply chain ng sibuyas sa bansa.
Naghain si Legarda noong Miyerkules, Marso 11, ng P.S. Resolution No. 344 upang atasan ang Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform na imbestigahan kung sumunod ba ang Department of Agriculture (DA), mga attached agencies nito, at mga lokal na pamahalaan sa tamang patakaran sa import calibration at cold storage.
Layunin din ng resolusyon na papanagutin ang mga nasa likod ng talamak na iligal na importasyon at ang paulit-ulit na paghahari ng onion cartels.

“When farmers lose, the entire nation suffers. We cannot allow the sweat and sacrifice of our onion farmers to be wasted because of cartels and misguided policies,” sabi ni Legarda.
Tinukoy sa resolusyon ang matinding pagbagsak ng farm gate price, ang pagsabay ng 4,000 metric tons ng imported na sibuyas sa kasagsagan ng anihan, at ang pagkapuno ng 82% ng cold storage capacity na nagkait sa mga magsasaka ng mahalagang imbakan.
Sa kabila ng naunang pangako ng DA na ihihinto ang importasyon pagsapit ng Enero, kinumpirma ng datos ng Bureau of Plant Industry (BPI) na nanatiling valid hanggang Pebrero 15, 2026 ang mga Sanitary and Phytosanitary Import Clearances o SPSICs.
“Why allow importation at the height of harvest? The result is farm gate prices collapsing while market prices remain high. Traders profit, but farmers are left behind,” sambit ni Legarda.
Inaatasan ng resolusyon ang mga ahensya ng gobyerno na magpatupad ng agarang importation ban upang pigilan ang mapanlamang na presyo, magsagawa ng audit sa buong value chain upang matunton ang kita ng mga cold storage operator at wholesalers, suriin ang storage capacity sa Nueva Ecija at Occidental Mindoro kabilang ang bagong pasilidad sa Barangay Labangan, imbestigahan ang mga kahina-hinalang shipment sa Bulacan, at siyasatin ang iba pang onion-producing areas sa buong bansa kung may kaparehong iregularidad.
Nagbabala rin si Legarda sa mga ulat tungkol sa mga iligal na imported na sibuyas mula China na nadiskubre sa Bulacan na lumikha umano ng “shadow supply” na hindi nakatala sa opisyal na rekord ng BPI.
Ayon sa kanya, pinalobo ng mga iligal na stock na ito ang suplay sa merkado, pinabagsak ang farm gate price ng sibuyas, at naglantad ng kahinaan sa border control at pagpapatupad ng regulasyon.
“If we do not dismantle the monopoly over cold storage and import permits, this crisis will repeat every year. Government must buy directly from farmers and build farmer-managed storage facilities so they can compete fairly,” aniya.
Binigyang-diin rin ni Legarda na nananawagan ang resolusyon ng awtomatikong importation ban tuwing Disyembre upang maiwasan ang sobrang suplay sa panahon ng anihan, mas mahigpit na pagpapatupad laban sa agricultural sabotage sa ilalim ng RA 12022, direktang pagbili ng gobyerno sa lokal na ani sa support price, pagtatayo ng mga cold storage na pamamahalaan ng mga magsasaka, at imbestigasyon sa tinatawag na “prior booking” system na naglalagay sa alanganin sa mga magsasaka.
