COMELEC—GUMAWA NG EXCUSE, HINDI NAGPAPROKLAMA!
TAPOS na ang Halalan 2025, madami ang nagdiwang sa pagkapanalo, madami rin naman malungkot dahil talunan.
Ngunit mas nakakalungkot ata ang sinapit ng ilang kandidato na ating binantayan tulad ng Duterte Youth Partylist at si Vice Mayor-elect Jeryll Harold Respicio, panalo pero hindi prinoklama.
Napapatanong tuloy tayo, ano ba talaga ang tinatago ng COMELEC? Bakit ayaw iproklama ang Vice Mayor-elect ng Reina Mercedes, Isabela? Dahil ba isiniwalat nito ang pwedeng maging dayaan sa bilangan? O dahil may mga makapangyarihang interes na ayaw mapahiya? At bakit pati ang Duterte Youth Party-list, na malinaw namang nanalo ayon sa bilang, three seats pa nga, ay pinipigilang maupo? “Pending case” daw noong 2019 pa? O, baka naman ‘gawa-gawa lang’ ito para bigyan daan ang mga paborito ng administrasyon?
Ang Vice Mayor na nagsalita, binusalan ng COMELEC? May mga insidente na kung saan itong si Atty. Respicio ay nagsiwalat ng mga posibleng maging dayaan sa bilangan na imbis na usisahin ng kagawaran ay bigla na lang pinag-iinitan ng COMELEC.
Kinasuhan pa at pinapadiskwalipika pero pending ang kaso. Ang tanong: Pinarurusahan ba ang mga whistleblower? Kung totoong may posibilidad na dayain ang bilangan, bakit hindi imbestigahan ang proseso mismo sa halip na pigilan ang proklamasyon? O baka ayaw lang ng COMELEC na mabuking ang lutong sistema na pinoprotektahan nila?
Duterte Youth Party-list,”Pending Case” nga ba talaga Political Vendetta? Ang dahilan ng COMELEC: may pending case daw. Pero ilan taon na ang nakalipas, 2019 pa ‘yun, bakit ngayon lang nila binibigyang-pansin? Bakit nu’ng nanalo sila at nakaupo noong 2022? Bakit hindi ito na-resolve bago pa man ang eleksyon? At kung may problema sa kanilang qualification, bakit sila pinayagang lumahok sa una pa lang? Double standard na naman ba ito? O, baka ayaw lang ng kasalukuyang administrasyon na may maka-Duterte na grupo sa Kongreso lalo na’t 3 seats pa sila?
Selective justice ba, bakit ‘yung Iba, agad napoproklama? Kung ang COMELEC ay talagang may prinsipyo, bakit ang mga kandidatong malapit sa Malacañang o sa mga makapangyarihang pamilya ay instant ang proklamasyon? Bakit ‘yung mga kritiko o kalaban ng administrasyon, biglang may “pending cases” o “election protests”? Hindi ba ito malinaw na pananakot at pagsupil sa oposisyon?
Napapaisip tuloy tayo, baka nga ang COMELEC ay TAGAPAGLUTO NG ELEKSYON? Ang patuloy na pagpigil ng COMELEC sa proklamasyon ng mga lehitimong nanalo ay malinaw na pagyurak sa demokrasya at karapatan ng mga mamamayan. Kung may irregularities, dapat ayusin nang transparent, hindi yung secret disqualification na parang midnight appointment.
Ang mensahe ng COMELEC sa taumbayan, “Kami ang may kontrol, hindi ang inyong boto.” Dapat nang kondenahin at labanan ang ganitong klaseng pang-aabuso. Kung hindi, ang susunod na eleksyon ay hindi na pagpili ng lider, kundi pagpili kung sinong paborito ng COMELEC ang papayagan nilang manalo.

