Bukod sa 71+ product endorsements… KIM CHIU, BAGONG IMAGE MODEL NG BALENCIAGA!?

art t

TIYAK na manggagalaite na naman sa inggit ang mga ‘paid bashers’ ng tinaguriang People’s Superstar Kim Chiu, sa bago nitong achievement bilang brand ambassador o label endorser para sa isang high end clothing line product.

Samantala, matatandaang  nagtala ng box-office record ang first movie outing nila ni Paulo Avelino na “My Love Will Make You Disappear” para sa Star Cinema, na ayon sa unofficial release ay umabot na sa mahigit P1B ang gross sales nito sa box office worldwide.

Bagama’t wala pang opisyal na pahayag ang Star Cinema hinggil sa usaping ito, nagkaroon na ng thanksgiving party para sa buong team ng nasabing unang obra ni Direk Chad Vidanes, at isa pala si Paulo sa mga executive producers ng nasabing movie.

Balik tayo sa ating subject matter, bilang brand ambassador ang First Big Winner ng Pinoy Big Brother Teen Edition, na kahit hindi na nga magkanda-ugaga si Kimberly sa kanyang kaliwa’t kanang endorsements (na umaabot sa 71+) gaya ng Chowking food chain with Paulo Avelino, Tanduay rhum, Hyundai ng Korea with Paulo, BingoPlus, Julie’s Bakeshop, Oro China Jewelry, Belo Medical Group, H&M garments, Brilliant Skin Essentials, Berocca, Malkist, Gluta-C, Shoppee, BillEase, Garnier, Hairfix by Bench, Sisters sanitary napkin, at ang latest nga si Kim Chiu raw ang pinakabagong brand ambassador para sa high end  brand na Balenciaga, matapos siyang piliin ng isang bilyonaryo naka-base sa Paris.

At kung totoo nga ang nasabing balita, ito na marahil ang pinakarurok sa career ng dalagang ipinanganak sa Tacloban, Leyte at lumaki sa Cebu, naulila sa kanyang ina nu’ng siya’y sampung taong gulang, sa kanyang career bilang artista, singer, teevee host.

At heto pa nga, dahil sa malaking tagumpay na nakamit ng kanilang movie ni Paulo, nasa drawing board na raw ang pinakabagong teleserye na kanilang pagsasamahan para sa Dreamscape ng ABS-CBN network, na kapuwa sila under contract doon.

Ika nga, strike while the iron is hot! At samantalahin ang lalong umiinit na pagsuporta ng KimPau supporters hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo.

Siyempre, bukod pa riyan ang kanyang daily hosting chores sa ABS-CBN It’s Showtime at sa I Want ASAP tuwing araw ng Linggo.

Kung iisipin, marahil masasabi nating pa’no pa kaya tinutugunan ni Kim ang salitang pahinga sa rami ng kanyang endorsements, iba’t ibang commitments at shows, pero makikita natin araw-araw ay magkasama sila ni Paulo sa kanilang daily joggings o sa gym activities para sa kanilang physical fitness, kung narito sila sa bansa.

Sa kabila ng pagiging hectic ng mga schedules ni Kim Chiu, hindi natin siya mariringgan ng reklamo dahil sa napagod na siya o tinatamad na siya para tuparin ang isang tinanguang commitment.

“Lahat naman tayo napapagod,” simula ni Kim. “Pero pagdating sa ating commitment bilang artista o entertainer ay hindi po ako mapapagod dahil ito po ang aking piniling trabaho. Dito ko po kinukuha ang aking ibinubuhay sa aking pamilya at mga mahal sa buhay.

“Mahalaga po para sa akin ang mga sumusuporta sa aming mga artista dahil kung hindi sa kanila wala po kami sa aming kinalalagyan sa ngayon. Malaki po ang aming utang-na-loob sa aming mga tagahanga.

“Kung may pagkakataon ako, humihinto rin po ako at nagpapahinga to re-charge, ika nga. At lagi po akong nagpapa-kondisyon ng katawan sa tamang exercise. Ini-ingatan ko rin ang aking proper diet at umiiwas sa mga bawal. Sabi nga, excessive of everything is dangerous to your health. Dapat ilagay lang sa moderation ang lahat,” pahayag ng tinaguriang Asia’s Multimedia Superstar.

Well, talagang saksi ang iyong mga fans and supporters here and abroad na isa kang workaholic at talagang ibinubuhos mo ang iyong buong puso at kaluluwa sa iyong bawat performance. Kaya ang wini-wish lagi ng iyong mga tagahanga ay ang iyong kaligtasan at ilayo ka sa mga kapahamakan sa pagtupad mo sa iyong mga commitments.

At kung totoo ngang kinukuha kang brand ambassador ng Balenciaga, congratulations and more power!