Noranians, humugos sa 72nd b-day ni Ate Guy
SA buhay man o sa kamatayan, grabe ang pagdiriwang ni Nora Aunor ng kanyang kaarawan.
Hindi magkandugaga ang mga bisita o maging ang mga nag-oorganisa ng piging.
Patay na’t lahat si Nora pero ganito pa rin ang preparasyon para sa kanyang kumpleanyo.
Tunay na Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts si Aunor.
Kaya paano siya mawawala sa ating isipan?
Dahil hanggang ang mahihirap, inaapi, pinagsasamantalahan o ordinaryong Filipino ay narito sa ating lipunan at lalong naghihikahos ang mahihirap at nasa laylayan ng ating sosyedad, hindi maglalaho si Ate Guy.
Patuloy niyang ipapakita ang kalunus-lunos na kondisyon ng inaapi at niyuyurakan na patuloy namang nagpapaapi, samantalang nasa kanila ang tunay na kapangyarihan ng pagbalikwas at pag-aari ng kapangyarihan sa iba’t ibang larangan–pulitika, ekonomiya, panlipunan, agham, kultura, teknolohiya, ispiritwal at iba pa para sa pag-unlad nang patas at inklusibo.
Kahit si Nora mismo nang siya’y buhay pa ay bantulot at bitin ang pagmumulat sa mga Filipino para makamtan ang tunay na pagbabago para sa magandang buhay.
Ngayong ika-72 taon ni La Aunor, nagsama-sama ang kanyang mga tagahanga sa Eastwood City sa may Libis sa Quezon City para ipadama sa kanya ang habambuhay na pagmamahal at sa Libingan naman ng mga Bayani ay nagkumpol ang kanyang pamilya at mga mahal sa buhay para idalangin ang kanyang kaligtasan ng kaluluwa.
(Boy Villasanta)

