‘Conscience bloc’ nabuo sa Senado
Magkakaroon ng ikatlong puwersa sa Senado matapos iahayag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na nakatakdang mabuo ang “conscience bloc” sa pagbubukas ng 20th Congress sa Lunes.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na kabilang na miyembro sa “conscience bloc” sina dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Juan Miguel Zubiri, at Sen. Loren Legarda – at hindi imposibleng makasama din si Sen. Risa Hontiveros.
Bagama’t malamang na hindi makakasama sa mayorya ang conscience bloc, umaasa si Lacson na mahawa ang ibang senador at gawing gabay ang kanilang mga konsensya.
“Pampahawa yan. Hindi namin hinuhusgahan na walang konsensya ang iba. Maganda nga yan kung tingin nila sa conscience bloc totoong may konsensya e di sumama kayo sa amin kasi may konsensya. Kung di kayo naniniwalang may konsensya kami e di huwag kayo sumama,” aniya sa panayam sa isang radio station.
Iginiit din ni Lacson na handa siyang manatiling fiscalizer at isulong ang kanyang adbokasiya, sa mayorya man siya o sa minorya – dahil nakapasa siya ng batas bilang miyembro ng minorya.
Nang nabigyan siya noon ng “latak” na komite – ang Committee on Civil Service and Government Reorganization – napasa ang ilang mahalagang batas kabilang ang Anti-Red Tape Act of 2007, Philippine Dental Act of 2007 at Real Estate Service Act of the Philippines.
“Sa akin it doesn’t matter. Maski anong committee uubra, ang importante magtrabaho,” aniya.
Samantala, pabor si Lacson sa pagtanggal sa red carpet walk sa mga “tradisyon” sa pagbukas ng Kongreso, dahil madalas ay nasasapawan nito ang State of the Nation Address ng Pangulo.
Aniya, mabuti na inalis ni Senate President Francis Escudero ang red carpet walk para sa pagbukas ng 20th Congress sa darating na Lunes.
“Sa akin, permanently huwag na sanang ganoon. Kanya-kanyang puntahan sa plenary ng House, mag-joint session, tapusin ang SONA. Yan naman ang importante. Minsan nasasapawan pa ang SONA ng fashion show… Kasi sa akin, solemn yan, sacred ang SONA,” aniya nang tinanong siya kung pabor siyang permanenteng alisin ang red carpet walk.
(Ernie Reyes para sa RoadNews)

